LAGUNA – BALIK-PIITAN ang 77-anyos na lolo makaraang sumuko sa mga kagawad ng Alaminos, Laguna-PNP matapos umanong makalaya sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa kanyang tirahan sa Brgy. Bitungol, Norzagaray, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Sinasabing sa kabila ng kanyang katandaan at may mga nararamdaman na sa katawan, nagawa pa ring sumuko sa pulisya kaugnay ng ipinalabas na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang murder suspect ay kinilala ni PCapt. Serafin Gapunuan, hepe ng pulisya, na si Reynaldo Fajardo Olazo, tubong Brgy. 4, Alaminos, Laguna.
Base sa ulat ni Gapunuan, lumilitaw na napiit at nahatulan ng hukuman ng Reclusion Perpetua sa RTC Br. 15, Tobacco, Albay ang suspek dahil sa kasong murder noong ika-23 ng Nobyembre 1998.
At sa loob ng mahigit na 20 taon sa National Bilibid Prison (NBP) Bureau of Corrections (BUCOR) mapalad umano itong nakalaya at ginawaran ng Pardon sa bisa ng GCTA, noong ika-1 ng Mayo 2019.
Bagaman masaya na umanong kapiling ng suspek ang kanyang pamilya sa loob ng mahigit na apat na buwan matapos itong makalaya, nagawa pa rin nitong sumuko sa mga tauhan ni Gapunuan sa pamumuno ni PCMS Anita Flores.
Kasama rin ni Flores nang magtungo sa lugar ang kaanak ng suspek dakong ala-1:00 ng madaling araw samantalang agaran din itong ililipat sa pangangalaga ng BUCOR. DICK GARAY
Comments are closed.