PATAY ang isang senior citizen matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang riding in tandem criminal sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Agad na binawian ng buhay sanhi ng dalawang tama ng bala sa ulo si Lazaro Jaime Torrelino, 62, ng No. 5A Karunugan St., Brgy. Muzon, habang mabilis namang tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksiyon matapos ang insidente.
Sa imbestigasyon nina PSSg Jose Romeo Germinal at PSSg Philip Cesar Apostol, alas-9 ng gabi, umiinom ng kape ang biktima sa harap ng kanilang inuupahang apartment nang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at walang sabi-sabing dalawang beses na pinaputukan sa ulo si Torrelino.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang dalawang basyo ng bala at isang bullet mula sa cal. 45 baril.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, iniugnay umano ang biktima sa pagkamatay ng kanyang kaibigan ilang taon na ang nakalilipas.
Patuloy naman ang follow-up imbestigation ng pulisya para matukoy ang posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.
Tinututukan din ng pulisya ang mga kaanak ng namatay na kaibigan ng biktima na posible umanong may kinalaman sa insidente. EVELYN GARCIA