LOLO KULONG SA TANGKANG RAPE SA DALAGITA

NAVOTAS CITY – KULUNGAN ang bagsak ng isang 71-anyos na lolo matapos mahuli sa akto ng kanyang tenant na nanay ng 14-anyos na dalagita na tinangkang halayin ng suspek.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang suspek na si Elizer Villacarlos, 71, ng Blk. 14 Lot 28 Bisugo St. North Bay Boulevard South (NBBS) na naaresto ng mga tauhan ngWomen and Children’s Protection Desk (WCPD) kasunod ng reklamo ng 39-anyos na ina ng biktima.

Lumabas sa imbestigasyon, dakong alas-6:15 ng gabi, mag-isa sa kanilang inuupahang kuwarto ang biktima nang pasukin ito ng suspek na kanilang landlord saka inutusan na maghubad.

Gayunpaman, nang umpisahan ng suspek ang panghahalay sa biktima, dumating naman ang ina ng dalagita at nahuli nito sa akto ang matanda sa tangkang pang-aabuso sa kanyang anak.

Sinabi ni Balasabas na inamin ng biktima sa harap ng pulisya at kanyang ina na dalawang beses na siyang hinalay ng suspek subalit, minabuti nitong manahimik matapos siyang pagbantaan ng kanilang landlord na may masamang mangyayari sa kanya kung magsumbong ito kahit kanino.

Ayon sa pulisya, hihintayin nila ang resulta ng isinagawang physical examination ng PNP medico legal doctor sa biktima para matukoy kung itutuloy ang isasampang kasong rape kontra sa suspek na sa halip ay attempted rape.               VICK TANES

Comments are closed.