LOLO NABAGSAKAN NG BATO SA QUARRY SITE

tipak ng bato

ALBAY – DEAD on arrival sa ospital ang isang 71-anyos na lolo matapos na mabagsakan ng malaking bato sa Brgy. Lidong, Sto. Domingo.

Kinilala itong si Melchor Balderama na residente ng naturang bayan.

Sa pahayag ni P/Cpt. Genevieve Oserin, hepe ng Sto. Domingo-PNP, nagtungo sa quarry site ang lolo kasama ang kaibigan upang kumuha ng graba at buhangin.

Subalit gumuho ang isang malaking bato at nabagsakan si Balderama.

Nabatid na nasa 8 hanggang 10 metro ang taas ng pinagkukunan ng mga ito ng buhangin at bato.

Umabot pa sa 30 minuto hanggang isang oras bago nakahingi ng saklolo ang kasama nito sa pangamba na mabagsakan din sakaling may mahulog pang bato.

Ayon pa sa hepe, pahirapan maging ang pagkuha sa lalaki sa ilalim ng bato kaya kinailangan pa ang maraming rescuer at pulis sa pagbuhat. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM