LOLO NALUNOD, LOLA NABUNDOL

QUEZON-DALAWANG senior citizens ang nasawi sa magkakahiwalay sa lalawigang ito.

Nitong Biyernes ng umaga, hindi umubra ang ga­ling sa paglangoy ng isang Lolo nang malunod ito habang lumalangoy sa dagat ng Jomalig sa Quezon.

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Antonio Andres, 69-anyos at residente ng Barangay Poblacion ng nasabing bayan.

Ayon kay Lt. Roldan Gallenero, OIC ng Jomalig PNP station, nagkayayaan umano ang pamilya ni Andres na mag- outing sa dagat na sakop ng Barangay Bucal sa Jomalig sa kabila ng sama ng panahon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente, nagkaroon umano ng inuman ang mga kasamahan ni Andres sa dalampasigan kasama ang ilang kaanak nito.

Makalipas ang ilang sandali umalis umano ang biktima at nakitang naliligo sa tabi ng dagat.

Makaraan ang kalahating oras nakita na lang si Andres na nakalutang sa dagat.

Samantala, isang 80- anyos na lola naman ang namatay makaraang mabundol ng isang motorsiklo sa kahabaan ng Calauag- Guinyangan provincial road dakong alas-8 nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Nelia Encallado, residente ng nasabing lugar.

Ayon sa pulisya, binabagtas umano ng motor na minamaneho ni Erickson Lasalita, 25-anyos nang biglang tumawid ang biktima.

Ayon pa sa pulisya, base sa kuha ng CCTV sa lugar, malapit na umano sa kabilang highway si Encallado subalit nag- alangan ito sa paparating na motor at biglang bumalik na siyang naging dahilan para tuluyan itong mabundol.

Nagka- ayos na ang dalawang panig sa naturang insidente. ARMAN CAMBE