PATAY ang 72-anyos na lolo habang dalawa ang sugatan nang masunog ang pitong kabahayan, kamakalawa ng hapon, sa Pasay City.
Kinilala ng Pasay Bureau of Fire Protection (BFP) ang namatay na si Ruben Yabut, 72, na na-trap at hindi na nakayanan pang makababa para makalabas ng bahay dahil sa taglay nitong karamdaman.
Habang nagtamo naman ng paso sa iba’t ibang parte ng katawan ang dalawang biktima na sina Wilmar Elizear, 65, na nagtamo 1st degree burn sa katawan at si Roderick Sandejas, 52, na nagtamo rin ng 3rd degree burn sa kaliwang daliri.
Base sa inisyal na ulat ng Pasay Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-2:25 ng hapon sa kuwartong tinutuluyan ng biktimang si Yabut sa ikalawang palapag na two-storey residential house na pag-aari ni Barangay 96 Chairman Marcelo Tayco na matatagpuan sa P. Zamora Street, Barangay 96, Pasay City.
Mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa ikalawang alarma ang sunog dakong 2:27 ng hapon at dakong alas 3:38 ng hapon ay naidineklara ang fire under control.
Apat na trak ng bumbero ang agad na rumesponde na siyang nakapag-apula ng apoy at idineklarang fire out ng 4:31 ng hapon.
Nasa 30 pamilya ang naapektuhan o nawalan ng tirahan na iniwan ng sunog kung saan aabot sa P450,000 ang tinatayang halaga ng ari-ariang napinsala dito.
EVELYN GARCIA