LAGUNA – SA kabila ng kanyang katandaan, nagawa pa umanong magtulak at gumamit ng ipinagbabawal na droga ang 65-anyos na lolo kung saan natimbog sa ikinasang buy bust operation ng mga kagawad ng Calamba City-PNP Drug Enforcement Unit (DEU) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanyang tirahan sa Family Village, Brgy. Sampiruhan, lungsod ng Calamba kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ni PLt. Col. Jacinto Malinao Jr., hepe ng pulisya, kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang naarestong suspek na si Reynaldo Ocampo y Tolentino, residente ng nasabing lugar.
Sinasabing napapabilang sa drugs watchlist ang suspek sa lugar kung saan patuloy pa rin umano ang pagbebenta at paggamit nito ng ilegal na droga.
Dakong alas-6:10 ng gabi nang magkasa ng buy bust operation ang mga tauhan ni Malinao at miyembro ng PDEA sa lugar habang isa sa mga ito ang nagpanggap na buyer kasunod ang mabilisang pag-aresto ng mga ito sa suspek na si Ocampo habang aktong nasa ilalim pa umano ito ng espiritu ng ipinagbabawal na droga.
Nakumpiska ng pulisya sa suspek ang 3 piraso ng small heatsealed transparent plastic sachet ng shabu na nasa mahigit 3 gramo na may kabuuang halaga na Php8,000 kabilang ang ginamit na buy bust money.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Calamba City-PNP Lock Up Cell kung saan nahaharap ang suspek sa paglabag sa kasong RA-9165. DICK GARAY
Comments are closed.