LOLONG TULAK TIKLO SA P510-K SHABU

MAGPA-PASKO sa kulungan ang 60-anyos na narco trader makaraang makumpiskahan ng P510 halaga na shabu sa inilatag na buy-bust operation sa bahagi ng Masaito Drive, Brgy. Molino 3 sa Bacoor City, Cavite kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag RA 9165 ang suspek na si Noel Domingo y Ocampo ng Brgy. Zapote 2 sa nasabing lungsod kung saan nakumpiskahan ng 75 gramo na shabu na may street value na P510,000.00.

Sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, bandang alas-7:45 ng gabi nang isagawa ang anti-drug operations ng pinagsanib na puwersa ng SOU-4A, PNP DEG at Bacoor CPS, sa pangunguna nina OIC, SOU 4A, P/Lt.Col. Julian Olonan, team leader P/Lt. Randolph Pinon.

Unang sinubukang bumili ng 50 gramo na shabu sa suspek kung saan sa ikalawang transaksyon ay isinagawa ang buy-bust at nasamsam ang karagdagang 25 gramo na shabu, mark money at isang cellphone.

Isinailalim sa drug test ang suspek habang pina-chemical analysis naman ang shabu na gagamiting ebidensya sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa Provincial Prosecutors Office. MHAR BASCO