LONG WEEKEND ALERT AT MAKATAONG SERBISYO NG AKO BICOL AT PCSO

MALINAW na isang magandang balita ang pag-anunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa isa na namang long weekend sa darating na linggo.

Sa bisa ng Proclamation No. 665, inilipat ang paggunita sa Ninoy Aquino Day mula Agosto 21, 2024 (Miyerkoles) patungong Agosto 23, 2024 (Biyernes), na idineklarang special non-working day sa buong bansa. Kasunod nito, ang Lunes, Agosto 26, ay mananatiling holiday bilang paggunita sa National Heroes Day.

Sa isang banda, ang desisyon na ito ay nagpapakita ng pagsusumikap ng pamahalaan na isulong ang domestic tourism at bigyan ang mga Pilipino ng pagkakataong makapagpahinga at makasama ang kanilang mga pamilya.

Ang mas mahabang weekend ay nagbibigay daan para sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya, lalo na’t maraming Pilipino ang maaaring magbakasyon at tumuklas ng mga destinasyon sa loob ng bansa.

Samantala, sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng ating bansa, ang kalusugan ng bawat Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, ay dapat laging isaalang-alang.

Kaya naman, isang magandang balita ang mabilis na aksyon ng Philippine Cha­rity Sweepstakes Office (PCSO) sa panawagan ni House Committee on Appropriations Chair at AKO Bicol Partylist Representative Elizaldy Co na sagutin ang professional fees ng mga doktor para sa mga kapus-palad na pasyente.

Sa panahon ng budget deliberation ng PCSO, ipinahayag ni Rep. Co ang hinaing ng mga mahihirap nating kababayan na nahihirapang makabayad sa mga doktor dahil sa pagtanggi ng ilang sa kanila na tumanggap ng bayad sa pamamagitan ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIPP).

Ang agarang tugon ng PCSO, sa pamumuno ni General Manager Mel Robles, ay isang malinaw na pahiwatig ng kanilang tunay na malasakit at dedikasyon na matulungan ang mga nangangailangan.

Ang pakikipagtulungan ng PCSO sa Philippine Medical Association (PMA), sa ilalim ng pamumuno ni President Hector Santos, ay nagpakita ng isang halimbawa ng pagkakaisa para sa kapakanan ng bayan.

Ang kanilang pag­sang-ayon na tangga­pin ang bayad mula sa PCSO kahit umabot ng 30-60 araw bago ito matanggap, ay isang patunay ng kanilang dedikasyon sa pagseserbisyo.

Higit pa rito, ang kanilang pangako na magsagawa ng mga pro-bono cases o libreng serbisyong medikal ay nagbibigay ng pag-asa sa mga kababayan na­ting walang kakayahang magbayad.

Ang pagkilos na ito ay isang hakbang tungo sa mas makataong serbisyong medikal. Ipinapakita nito na kapag nagkakaisa ang gobyerno at mga professional na sektor, tulad ng mga doktor, ay posible ang pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong medikal kahit sa mga hindi kayang magbayad.

Ang ganitong uri ng kolaborasyon ay dapat magsilbing inspirasyon sa iba pang mga ahensya at propesyonal na sektor upang patuloy na magtulungan para sa ikabubuti ng bayan.

Ang mahalagang aral na makukuha natin dito ay ang kahalagahan ng kooperasyon at malasakit sa pagbibigay ng serbisyo publiko.

Ang kalusugan ay isang karapatan ng bawat mamamayan, at ang gobyerno, kasama ang pribadong sektor, ay may obligasyon na tiyaking ang bawat Pilipino ay may akses sa serbisyong medikal na nararapat sa kanila.

Patuloy sanang maging gabay ang prinsipyo ng bayanihan at malasakit sa lahat ng     ating mga gawain, upang matamo natin ang tunay na pagbabago at kaunlaran para sa lahat.