LONGEST ALLY NG MGA MARCOS SA PARAÑAQUE NANGAKO NG SOLIDONG SUPORTA

Florencio Bernabe Jr

SUPORTADO ni Kilusang Bagong Lipunan-Parañaque chairman at dating city mayor Florencio ‘Jun’ Bernabe Jr. ang panawagang pagkakaisa ng BBM-Sara UniTeam.

“We are the longest ally of the Marcoses here in Parañaque. Loyal kami sa mga Marcos, hanggang may Marcos na tumatakbo nandyan kami,” ani Bernabe.

Tinawag pa nito si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos  bilang “strong leader” na may mahaba at natatanging rekord sa larangan ng serbisyo publiko.

“He is a very strong leader. Alam naman mga public servants ‘di basta-basta nagpapakita ng emosyon, ‘pag may mali pagsasabihan ka agad. He will judge the situation after studying the pros and cons of what happened,” sabi pa ng dating alkalde ng lungsod.

Malaki ang paniniwala ni Bernabe na ang kababaang-loob at kagalingan ni Marcos ay mapapanatili nito at magagamit para malaman ang  hanggang sa barangay level na sitwasyon sakaling manalo sa darating na halalan.

“His call for unity is very good. Every leader wants his flock working and moving as one pero iba-iba yung circumstances ng bawat isang tao. Sa baba (local government) it’s so difficult. Siguro he’ll have to listen more as far as relationship is concerned, when he is governing already,” sabi pa niya.

Dagsa ang mga miyembro ng KBL, PFP at Muslim Alliance for BBM-Sara ang nakipagkita kay Marcos upang ipahayag ang suporta sa  UniTeam bago sila tumungo sa UniTeam caravan na kanilang idinaos sa nasabing lungsod sa kasagsagan man ng ulan noong Sabado ng hapon.

Sa kanyang panig, sinabi ni Marcos na inaasahan ng buong UniTeam ang pangakong ibibigay ng iba’t ibang parallel groups upang mapagtagumpayan ang panawagan nilang pagkakaisa na susi sa pag-unlad ng bansa.

“That is the kind of support that we are counting on, naniniwala sa ating adhikain na mensahe ng pagkakaisa. It has become a very important part of our campaign,” ani Marcos.

Sinabi nitong siya at ang kanyang pamilya ay naniniwalang nasa mabuti silang kamay sa Lungsod ng Paranaque dahil sa kagalingan naman ng mga Bernabe.

“’Yung dating kaibigan na talagang may paniniwala at paninindigan ay nandyan pa rin. We always feel fortunate. Kahit wala siyang hinahawakan na position ay leader pa rin siya at ito ay malaking bagay,” sabi pa ni Marcos.

“I’m very grateful he has come and joined our campaign,” dagdag pa nito.

Ang tatay ni former Mayor Jun na si Florencio, Sr., na dati ring alkalde ng lungsod ay matagal na ring kaalyado ng ama ni BBM na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. simula nang manungkulan ito sa Malakanyang taong 1965.

Ayon kay Marcos, sa tulong ng parallel groups, mapapadali at mapapabilis ang pagpapaabot ng mensahe ng  pagkakaisa ng UniTeam saan mang sulok ng bansa.

“Lagi nating sinasabi sa supporters na kapag tayo ay naging mapalad, tulungan niyo ako at ang ating mga kasamahan, kami ni Inday Sara at UniTeam senators. Marami tayong gagawin, hindi pa tapos ang laban kahit natapos na ang eleksyon,” wika pa ni Marcos.

“Salamat sa inyong sakripisyo at suporta,” dagdag pa nito.

Libong bilang na tagasuporta na matiyagang nag-abang at nag-antay sa labas ng venue ang hindi naman binigo ni Marcos para sila lapitan, kamayan at pasalamatan.

Si Marcos ay minsan ding nanirahan sa lungsod ng Paranaque.

“Alam ko naman na ang mga taga-Parañaque ay very supportive,” pagtatapos pa nito.