LOOTERS PANANAGUTIN NG PNP

TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Col. Roderick Augusto Alba na mapaparusahan ang mga mananamantala sa sitwasyon sa mga lugar na hinagupit ng Bagyong Odette.

Partikular na tinukoy ni Alba ang mga looter sa mga nilikas na bahay dahil sinalanta ng bagyo.

Ginawa ni Alba ang pahayag kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang napaulat na looting.

Gayunpaman, sinabi ng police official na wala pa silang natatanggap na reklamo na ninakawan ang mga naiwang mga bahay.

“Actually, nakarating sa amin yung information na ‘yan but unfortunately until today wala tayong na-receive until today officially na dumulog sa ating mga police stations particularly sa area ng Bohol and parts I think in Siargao,” ayon kay Alba.

Sinabi naman ni Alba na tatalima ang PNP sa utos ni Pangulong Duterte kung sakali namang may mahuling nagnanakaw, kanila ring titingnan ang sitwasyon ng mahuhuli at ang katayuan nito bakit nagawa.

Subalit,ngayong marami na ang tumutulong sa mga biktima ng Bagyong Odette ay inaasahang walang magaganap na looting at kung mayroon pang mananamantala ay tiniyak ni Alba na papapanagutin nila.EUNICE CELARIO