DAHIL sa ilang respetadong personalidad, pumayag na si Defense Secretary Delfin Lorenzana na humarap kay UP President Danilo Concepcion upang pag-usapan ang kinanselang kasunduan ng Department of National Defense (DND) at University of the Philippine noong 1989 na “no troops, no cops on campus.
Sinabi ni Lorenzana na posibleng ngayong linggo ay makipag-usap siya kay Concepcion kaugnay sa kinanselang 32 taong kasunduan ng ahensiya sa nasabing unibersidad.
Inamin ng kalihim na ilang nirerespetong personalidad ang nagkumbinsi sa kanya na makipagdayalogo sa UP president para pag-usapan ang nasabing kasunduan.
Gayunpaman, hindi idinetalye ni Lorenzana ang eksaktong petsa at venue ng kanilang magiging dayalogo ni Concepcion.
“I have asked a friend to facilitate my meeting with Atty. Concepcion sometime next week,” ayon kay Lorenzana.
Magugunitang umapela si Concepcion sa DND na ikonsidera at bawiin ang pagkansela ng 1989 accord na nagbabawal sa mga pulis at military na pumasok sa campus kung walang pasabi o pahintulot upang hindi masagkaan ang ecademic freedom ng mga mag-aaral.
Sa isang pahayag ni Concepcion, nagdulot ng pagkalito ang desisyon ng DND habang tumugon naman si Lorenzana na dapat ipaliwanag ng UP kung bakit may mga namatay na estudyante sa operasyon ng militar laban sa New People’s Army bago siya pumayag sa isang dayalogo. EUNICE CELARIO
Comments are closed.