LOTTO, KENO IBA PANG LARO NG PCSO SUSPENDIDO

PCSO-4

SINUSPINDE  na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang operasyon nila sa buong bansa.

Ito’y bilang pagsunod na rin sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon, upang mapigilan  ang  pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, sa isang pulong kamakalawa ay napagkasunduan ng board na ipatupad ang suspensiyon upang matiyak ang kalusugan ng mga empleyado, ahente, tumatangkilik sa laro ng PCSO at sambayanang Filipino.

Kasabay nito, napagkasunduan din na maglaan pa ng karagdagang P1 bilyong pondo bilang ayuda sa isinasagawang mga pamamaraan ng pamahalaan para labanan ang COVID-19.

Ani Garma, ang suspensiyon ng Lotto, Digit Games at Keno sa buong bansa ay sinimulan dakong alas-4 ng  hapon nitong Martes, Marso 17.

Ang operasyon naman ng Small Town Lottery (STL) ay suspendido rin ngunit sa Luzon lamang habang ang STL sa Visayas at Mindanao ay isasailalim sa araw-araw na monitoring.

Simula naman sa  Marso 18 ay suspendido na rin ang operasyon ng PCSO sa Lung Center of the Philippines.

Nagtalaga na rin  ang PCSO ng hotline numbers para sa mga humihingi ng assistance sa kanilang tanggapan, kabilang dito ang mobile numbers na 09457746439, 09152962243; 09177035866 at landline number na 0284043956 at email address na [email protected].

Iri-refer na lamang umano ang mga humihingi ng tulong sa pinakamalapit na ospital na may Malasakit Center at iba pang government hospitals.

Kaugnay nito, tiniyak  ni Garma na sa kabila ng mga hakbang na ito, makaaasa  ang sambayanang Filipino na ang buong kawani ng PCSO ay parating nakaantabay sa mga pangyayari at handang magbigay ng serbisyo  anumang oras kung kinakailangan.

Matatandaan na kamakailan lang ay una nang nag-apruba ang PCSO Board ng P420 milyon bilang ayuda sa gobyerno para sa paglaban sa COVID-1. ANA ROSARIO HERNANDEZ