CAVITE- MATAPOS na holdapin, pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang may-ari ng lotohan sa bayan na ito nitong Mayo 14, 2024 sa Brgy. Malagasang 2-F.
Dead on the spot ang biktimang kinilala sa alyas na Anthony, nasa hustong gulang, Lotto Outlet Owner, residente ng Brgy. Malagasang, Imus, Cavite.
Ayon sa pulisya, alas-9:30 ng umaga ng maganap ang insidente, galing ang biktima sa branch ng Lotto Outlet nito at naglalakad na pabalik ng kanilang sasakyan kasama ang kanyang kinakasama na si alyas Margie nang sumunod ang suspek.
Pasakay na ang mga biktima sa Toyota Hilux na may plate number NFZ 4968 nang sinabayan ito ng suspek at mabilis na sumakay din.
Agad na tinutukan ng baril ang mga ito at sinabihang huwag mag-iingay kung saan tinangay ng suspek ang perang P12,000 ng kita ng lotto outlet bago tumakas ay binaril pa nito ang biktima.
Pagkababa ng suspek sa sasakyan, dito na nagsisigaw ang kinakasama nito at humingi ng tulong na agad naitakbo sa pagamutan ang biktima subalit hindi na naisalba pa.
Kasalukuyan ng nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa insidente na posibleng natiktikan ng suspek na mangongolekta ng kinita sa Lotto outlet nito ang biktima.
SID SAMANIEGO