PINAPLANTSA na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pagbabalik-operasyon ng kanilang lotto outlets matapos ang may tatlong buwang pagsasara ng mga ito dulot na rin ng pagpapairal ng community quarantine sa bansa dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa Laging Handa briefing nitong Sabado, sinabi ni PCSO General Manager Royina Garma na inaayos na nila ang minimum health standards na kakailanganin sa pagbubukas muli ng kanilang mga outlet.
Ayon kay Garma, lumiham na sila kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanilang pagbabalik-operasyon at hinihintay na lamang nila ang pag-apruba nito.
Gayundin, tinatapos na rin nila ang minimum standards para sa ipinatutupad na health protocols para matiyak na ang pagbabalik sa operasyon ay hindi magdudulot ng hawahan ng virus.
Aniya, kasama sa mga ilalatag na patakaran ang pagsusuot ng face mask at ang pagpapatupad ng physical distancing sa pagpila sa mga lotto outlet.
Kakailanganin din na maglagay ng screen sa pagitan ng ahente ng lotto outlet at sa mga mananaya.
Ani Garma, plano rin nilang ipagbawal na may mamasukan na mga lotto agent na mas bata sa 21-anyos at 60-anyos pataas para masunod ang health standards ng pamahalaan.
Idinagdag pa nito, inihahanda na rin ng PCSO ang pagsasagawa ng “digital system” sa pagtaya nguni’t aaprubahan pa ito.
“Ini-encourage namin. In fact hindi lang po sa lotto especially sa STL (small town lottery) sa aming proposal ang paggamit ng mobile app at ang pag-allow na gumamit ng automated betting machine kung saan hindi na kailangan ng face-to-face setting through marketing tools na makataya ang ating mga manlalaro,” pahayag pa ni Garma.
Samantala, inihayag rin naman ni Garma na plano nilang magpatupad ng “special draw” para sa mga mananaya nilang nakabili ng advanced ticket, nguni’t inabot ito ng lockdown.
Agad nilang isasagawa ang special draw sa sandaling payagan na silang magbukas muli ng mga lotto outlet.
“Once we will resume operations, 15 days po ito na magkakaroon kami ng special draw. Itong six days na nakabili na po ang taongbayan ng advance ticket, ido-draw po namin ‘yan once na magre-resume kami.” ani Garma.
“Kung mananalo sila, ang importante lang po ay naitago nila ang ticket nila, so valid pa rin po lahat po iyon,” dagdag pa nito.
Matatandaang noong Marso 18 ay sinuspinde ng PCSO ang operasyon ng kanilang lotto outlets nang isailalim ni Pangulong Duterte ang buong Luzon sa enhanced community quarantine (ECQ). ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.