NANAWAGAN ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa publiko na maging alisto laban sa mga nauusong “love scams” na mananamantala ngayong papalapit ang Valentine’s Day.
Payo pa ni Interior Secretary Benjamin Abalos sa publiko na target ng mga love scam syndicate ang mga malulungkot na walang kapareha.
“Iyong love scam, tinitingnan nila iyong to the profile kung sino iyong malungkot, nag-iisa, ano iyong music na hilig mo, ano iyong hilig mong kinakain, ganito and then iyong weakness mo doon ka pinapasok, talagang sindikato. Imagine, that love scam nagna-number one ngayon iyan ha, pinapasok nila,” ayon kay Abalos.
Sinabi ni Abalos na dapat magkaroon ng avenue kung saan maaaring pag-usapan ang naturang ilegal na aktibidad upang mapataas ang kamalayan ng publiko.
“I guess ang importante rito is that everyone should be aware of all of these things kaya nga dapat siguro isa-suggest ko magkaroon ng Zoom meeting with everyone kung ano talaga itong mga different kinds of scam so that everyone could be aware, lahat ng mga kababayan natin maging aware po rito,” dagdag pa ni Abalos.
Nagpahayag din ng paalala si Philippine National police Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., laban sa tumataas na paglaganap ng cybercrimes, at nagpahayag ng parehong mungkahi sa pagtaas ng kamalayan ng publiko sa mga scam, na tinutukoy ang media briefing bilang isang plataporma upang ipaalam.
“Through this activity we are doing now, this press conference, maybe it will make our concerned citizens to become aware,” ayon kay Acorda.
EVELYN QUIROZ