LOVE SCAMMER NA NIGERIAN TIMBOG

arestado

BENGUET – KALABOSO ang isang “love scammer” na Nigerian sa pagsalakay ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR) at ng Baguio City Police Office – Station 2 sa bahay nito sa Pinget, Baguio City.

Nakilala itong si Pro­mise Udochukwu Chigbu, 27-anyos, tubong Port Harcourt, Rivers State, Nigeria.

Nahuli si Chigbu matapos magpositibo ang search warrant laban dito kung saan nakumpiska ang mga ginagamit niya sa panloloko sa kanyang mga biktima gamit ang modus na love scam.

Ayon kay PCol. Rommel Javier Jr., PROCOR-Regional Anti-Cybercrime Unit chief, nag-ugat ang operasyon laban kay Chigbu matapos magpasa-klolo sa kanila ang dalawang babaeng biktima nito.

Aniya, nagpapanggap na mayaman si Chigbu at nililigawan nito ang mga biktima nitong Pinay na karamihan ay mga may edad na babae gaya ng mga balo o walang asawa.

Matapos aniyang makuha ng dayuhan ang tiwala ng mga biktima ay dito na nagsisimula ang kanyang paghuthot sa mga ito sa iba’t ibang paraan gaya ng pagpapanggap na na-kidnap pagdating niya sa bansa o kaya ay magpapadala ng balikbayan boxes kapalit ng pera.

Nagsisilbi aniyang komunikasyon ng suspek at mga biktima nito ang mga online messaging applications bagama’t guma­gamit lamang ang suspek ng ibang mga larawan at pangalan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM