INILABAS na ng Department of Tourism (DoT) ang kanilang bagong campaign slogan upang mahikayat ang mga turista na bumisita sa ating bansa.
Ang dating campaign slogan na “Wow Philippines”at “It’s More Fun in the Philippines” ay pinalitan na ngayon ng “Love the Philippines”. Marami ang nagbigay ng kani-kanilang opinyon sa pagbabago ng campaign slogan ng DoT.
Napuna rin ni 2nd District Congressman Joey Salceda ng lalawigan ng Albay kung bakit tila nawala ang pamosong Mayon Volcano sa unang sigwada ng campaign video ng “Love the Philippines”. Hindi natin maaalis ang sama ng loob ni Cong. Salceda sa kanyang obserbasyon sa video na kanyang nakita nang ilunsad ang malawakang kampanya ng DoT. Wala ang Mayon Volcano.
Nagtanong tuloy ang ilan kung bakit nakaligtaan ng DoT ang nasabing pamosong bulkan. Mabuti na lang at napakinggan ko ang panayam kay DoT Sec. Christina Frasco sa isang kilalang radio program upang ipaliwanag ang mga isyu na bumabalot sa nasabing “Love the Philippines” campaign slogan.
Si Sec. Frasco ay hindi na bago sa serbisyo publiko. Naging mayor siya ng Liloan, Cebu kung saan ang pangunahing industriya doon ay turismo. Kilala ang nasabing munisipalidad sa kanilang magagandang beach resorts kasama na ang mga magagandang tanawin. Bukod diyan ay aktibong naging tagapagsalita siya ni VP Sara Duterte noong panahon ng kampanya. Kaya naman ako’y napabilib sa kanyang mga paliwanag sa mga katanungan tungkol sa “Love the Philippines”
Una, nagpapasalamat siya kay Cong. Joey Salceda sa puna na inilabas niya sa social media. Para kay Sec. Frasco, tanda lamang ito ng ‘love and passion’ ni Salceda sa ating bansa lalo na at taga- Albay siya. Naging gobernador din si Salceda ng nasabing lalawigan.
Ayon kay Frasco, malinaw at kinikilala naman ng DoT ang Bulkang Mayon bilang isa sa kilalang tourist spot ng ating bansa. Dahil ang bagong tourism campaign ay “Love the Philippines”, ipinaabot ni Frasco ang kanyang ‘love’ kay Cong. Salceda sa isyung ito na isang akto na pagiging mapagkumbaba. ‘Yung “Love the Philippines” slogan ay upang mabigyan natin ang bansa ng pagkakataon na ma-market dito at sa buong mundo. Hindi naman “Wow” at “Its More Fun” ang Pilipinas. Ayon kay Frasco, dapat isama ang iba’t ibang aspeto ng kagandahan ng Pilipinas. Kasama na rito ang ating kultura, pamana, pagkain, at tayong mga Pilipino na kilalang likas na mabait at matulungin.
Ayon din kay Frasco, ang video na inilunsad ng DoT para sa “Love the Philippines” ay umpisa pa lamang sa pangkalahatang representasyon ng Pilipinas. “Simula pa lang po ito. Kaya nga campaign, kasi it will be a sustained effort that will have so many other iterations, versions, additions to add to and to sustain the campaign. We understand the excitement of everyone. We are very happy that the response of Filipino people has been very positive because love is truly universal but also personal. Love is the final argument and the source of life. Masaya po tayo na things are quite optimistic for the Philippines given the opportunity to market itself to the world”.
Paliwanag pa ni Frasco na wala silang intensyon na huwag isama ang mga ibang mga kilalang tourism spots ng ating bansa. Ito raw ang direktiba ni Pangulong Marcos kay Frasco na ipakita ang lahat ng magagandang lugar ng ating bansa. “Bigyan po natin ng pagkakataon ‘yung ating mga LGU, probinsiya, cities, municipalities pati na rin po ‘yung mga tourism communities to highlight. Kaya naman po ‘yung tagline “Love the Philippines” Love the entire Philippines, there so much to love about the Philippines. The video represents our country and really is the beginning. Madami po darating na supporting videos.”
Sana ang paliwanag ni Frasco ay nakatulong upang lawakan natin ang ating pag unawa sa mga hakbang na ginagawa nila. Bigyan natin sila ng pagkakataon sa kanilang desisyon. Sigurado naman ako na dumaan ito sa masusing pananaliksik upang magkaroon sila ng pinal sa desisyon ang salitang “Love the Philippines” bilang kanilang campaign slogan.