LOW-COST DECORATING IDEAS NA SWAK SUBUKAN KAPAG TAG-ULAN

DECORATING IDEAS

(Ni CS SALUD)

MATAPOS nga naman ang mainit na panahon, babahain naman ang paligid dahil sa ulan. Pagkatapos nga naman ng tirik na tirik na araw na tila nakapapaso na ng balat, heto’t mara-ranasan naman natin ang malamig na panahon at basang paligid.

Hindi naman talaga maiiwasan ang pagbabago ng panahon. Bukod sa tag-araw, nariyan din ang tag-ulan.

At kapag madilim ang paligid, may dala rin itong lungkot sa ating kabuuan. Nang maiwasan ang tila malungkot na pakiramdam dala ng tag-ulan, narito ang ilang low-cost decorating ideas na maaaring subukan:

GUMAMIT NG MAKUKULAY NA DÉCOR

Isa sa nakapagpapaganda ng pakiramdam ay ang maayos at presentableng bahay. Kung malungkot ang paligid dahil nga sa ulan, ma­inam kung pasasayahin natin ang loob ng ating tahanan.

At isang simple ngunit eleganteng paraan upang magkaroon ng kulay at buhay ang kabuuan ng tahanan ay ang paggamit ng mga dekorasyong makukulay o masaya sa paningin.

Ilan sa mga swak subukan ay ang makulay na kurtina, bed sheet, kumot, sofa cover, table clothes at throw pillow.

Ilan naman sa kulay na swak ngayong rainy season ay ang yellow, turquoise at green.

Yellow o dilaw dahil very cheerful ang kulay na ito at nagbibigay ng contrast sa dark at gloomy na panahon.

Samantalang ang turquoise naman ay perfect para mag-brighten ang living room o ibang lugar na may mataas na ceiling. Stylish din ang kulay na ito at madaling mag-blend sa iba pang kulay.

At ang green naman ay nagbibigay ng balance at harmony sa isang lugar. Itinuturing din itong cool color at swak gamitin sa kahit na anong lugar o room. Nakapagbibigay rin ito ng relaxing atmosphere.

MAGLAGAY NG WALLPAPER, ARTWORK O PHOTOS SA WALL

Nakagagaan din ng pakiramdam ang maganda at maayos na tanawin sa loob ng tahanan. Isa ring paraan para lalong lumutang ang ganda ng bahay ay ang paglalagay ng wallpaper, artwork o photos sa wall.

Kaya para mabuhayan ang loob ng bahay ngayong papalapit na tag-ulan, subukang maglagay ng wallpaper, artwork o kaya na-man mga litrato ng buong pamilya sa wall.

Nakapagbibigay ng drama ang mga ganitong dekorasyon.

PALITAN ANG BED LINENS

Mainam din sa ganitong panahon ang pagpapalit ng bed linens. Kung noong mainit ang panahon ay manipis lang ginagamit ninyo, palitan na ito ng makakapal na blankets o comforters upang maging handa ang buong pamilya sa paglamig ng panahon.

LALAGYAN NG PAYONG SA MAY PINTUAN

Kapag maulan ang paligid, hindi rin maiiwasan ang paggamit ng payong. At para naman hindi mabasa ang loob ng tahanan, maglagay ng umbrella rack sa may pintuan upang mayroong mapaglagyan ng payong.

Huwag ding kaliligtaang maglagay ng basahan sa may pintuan nang hindi pumasok ang dumi na nagmumula sa basa at maputik na sapatos at tsinelas.

MAGLAGAY NG HALAMAN AT MGA BULAKLAK

Isa rin sa nakadaragdag ng ganda at buhay sa isang lugar ang paglalagay ng mga halaman at bulaklak. Mainam ang paglalagay ng fresh flowers upang maging fresh din ang air.

Maaari rin ang paggamit ng plastic plants nang magkaroon ng dekorasyon ang inyong interiors.

BAGUHIN ANG AYOS NG UPUAN AT LAMESA

Mainam din ang pagpapalit o pagbabago ng ayos ng mga upuan at lamesa nang magkaroon ng  panibagong ayos ang bahay.

Kung minsan, ang simpleng paglilipat ng mga gamit sa loob ng bahay o kuwarto ay nakapagbibigay ng fresh na look.

Gayundin ang puwedeng gawin sa kuwarto, maaari ninyong baguhin ang pagkakaayos ng kama. Maaari ring alisin ang mga na-kalagay na dekorasyon sa loob ng kuwarto at palitan ito ng bago.

Kung magiging creative lang tayo, marami tayong magagandang dekorasyong maiisip na swak  sa papalapit na tag-ulan. (photos mula sa arrowfurniture.com, globalstylecricket.com, marthastewart)

Comments are closed.