MAKARAAN isailalim sa evaluation at assessment ng 5-Man Advisory Group ang 953 third level officers o mula sa ranggong full colonel hanggang general, puntirya naman ni bagong talagang Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Benjamin Acorda Jr. ang nasa mababang ranggo o lower level personnel.
Sa isang panayam, sinabi ng ika-29 PNP chief na kanyang gagamitin ang karanasan bilang counterintelligence agent para matukoy ang ninja cops na aniya’y kakaunti lamang.
Aniya, personal nyang aalamin kung sino ang mga rouge cop na nasa listahan at ayaw magbagong buhay at kaniyang io-operate ang mga ito.
Unang hakbang na ginawa ni Acorda ay kausapin nang personal ang mga regional at police commanders sa una niyang command conference nitong Abril 25.
Bahagi aniya ito ng pagpapatuloy ng internal cleansing sa hanay ng pulisya.
Magugunitang noong Enero ay nanawagan ng courtesy resignation si Interior Secretary Benhur Abalos sa mga nasa 3rd level officers ng PNP para malinis ang pulisya mula sa tiwaling miyembro nito.
Makaraan ang halos tatlong buwan, 917 courtesy resignations ang hindi tinanggap batay sa rekomendasyon ng 5MAG, habang ang 36 ay “for further investigation” ng National Police Commission na pinamumunuan din ni Abalos.
Ang Napolcom naman ang mag-e-endorso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung ano ang maaaring desisyon batay sa findings ng assessment and evaluation. EUNICE CELARIO