SIMULA nang umupo bilang pangulo si Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr., ang isyu tungkol sa pagtatalaga at pagkumpleto ng presidential appointments ay hindi pa natatapos.
Kalahating taon na ang nakalipas, halos hindi pa nabubuo ang mga posisyon sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Isama na natin ang board members, commissioners at directors ng mga ibang opisina ng ating pamahalaan.
Nagreresulta ito sa mabagal na serbisyo at aksiyon sa mga programa ng pamahalaan.
Hanggang ngayon ay wala pang malinaw kung sino ang mamumuno sa Department of Defense, Department of Social Welfare and Development, Office of the Press Secretary at iba pang mga sangay ng gobyerno.
Anyare??? Kung tayo ay magbabalik-tanaw, naging isang mainit na isyu ito noong panahon ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez. Marami ang nagtatanong kung bakit mabagal ang takbo sa pagpili ng mga dapat ma-appoint sa mga ahensiya ng gobyerno. Ang dating paliwanag ay ‘masusing’ dumadaan sa proseso ang pagpili upang matiyak na wasto ang kuwalipikasyon, integridad na mga napili ni Pangulong Marcos.
Hindi natin maiaalis na ang prayoridad ay ang mga personalidad na aktibong tumulong sa kampanya na nagresulta sa pagkapanalo ni BBM. Ito ang kalakaran sa mga nakalipas na administrasyon. Mahalagang pangalawang kuwalipikasyon ay ang kakayahan ng nasabing indibidwal. Pangatlo ay ang loyalidad sa Pangulo.
Bakit ko ito nasabi? Pwes, ako ay nalaglag sa aking upuan nang bumulaga ang balita na ang dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman na si Emmanuel ‘Noli’ Eala ay biglang pinalitan sa kanyang puwesto. Marahil ay hindi lamang ako ang nabigla rito. Marami.
May nagkomento nga sa socmed. “Bakit siya pinalitan? May isyu ba laban sa kanya ng katiwalian o mahinang pamumuno sa PSC?”. Tumpak! ‘Yan din ang pumasok sa aking isipan. “Ni ha? Ni ho?” walang nagsabi kay Eala na papalitan siya. Parang isang bagay na pinagsawaan at itinapon sa basura ang nabiglang chairman ng PSC.
Nagtataka lang ako. Tila hindi ganito ang pagkakakilala ng tao sa personalidad ni BBM noong siya ay nanliligaw ng boto sa ating mga mamamayan. Siya ba ito o may nasa likod na malakas ang impluwensiya sa kanya at wala siyang magawa?! Nagtatanong lang po.
Matagal nang tsimis na umuugong ang matinding galit ng ating First Lady na si Liza Araneta Marcos (LAM) kay dating Executive Secretary Vic Rodriguez. Ang hidwaan ng dalawa ay nagresulta sa pagbibitiw sa puwesto ni Rodriguez sa Malakanyang. Ang sumunod na tsismis ay lahat daw ng mga na-appoint ni Rodriguez ay papalitan.
Mukhang nagkakatotoo. Noong nag-resign si Rodriguez noong Setyembre, sunod-sunod na rin ang pagpapalit ng mga umano’y tao ni Rodriguez. Hindi ko na kailangang isa-isahin ang mga ito. Pero tila may hawig ang nasabing tsismis.
Subalit sa social media, nagbigay ng komento si Rodriguez sa isyu na ang dahilan ng pagtanggal kay Eala ay dahil in-appoint siya ni Rodriguez na lumabas sa SPIN.ph. “SpinPH please don’t include assumptions based on reports from ‘sources’. All appointees are the President’s, not mine.”
Ang ibig sabihin ay pinirmahan ni Pangulong Marcos ang lahat ng mga na-appoint sa panahon ni Rodriguez at hindi siya. Ang tanong ko ulit, eh kung pinirmahan ni Marcos ang appointment ni Eala, eh bakit niya binawi at pinalitan?
Ano ang rason ni Marcos? May malaking isyung kapalpakan ba si Eala bilang pinuno ng PSC kung kaya bigla siyang pinalitan? Sinubukan bang kausapin ng Malakanyang si Eala sa planong pag-alis sa kanya? Ang sagot sa mga katanungan na ito ay WALA at HINDI!
Kung totoo man ang tsismis sa pag-aalis ng lahat ng na-appoint ni Pangulong Marcos noong panahon ni dating ES Rodriguez, nakapanghihinayang.
Karapatan ni Pangulong Marcos na palitan ang sino man na itinalaga sa puwesto sa kanyang administrasyon. Subalit karapatan din ng sambayanan na ipaliwanag ang dahilan. Kung may napabalitang korupsiyon o pang-aabuso sa kapangyarihan, dapat lamang na palitan ang opisyal ng gobyerno.
Subalit kung tatanggalin sa puwesto ang isang public servant dahil ito umano’y may persepsyon na malapit sa kalaban ng isang paksyon sa Malakanyang, teka, parang may mali yata rito. Ano na ‘yung sinisigaw ni BBM noong panahon ng kampanya ng “UNITY”?!
Huwag naman sana mag-isip ang sambayanan na may grupo na kayang manipulahin ang pag-iisip at desisyon ni Pangulong Marcos. Hindi maganda ito sa imahe ni BBM. Teka, baka maglahong parang bula ang loyalidad ng mga taong sumuporta kay Pangulong Bongbong Marcos. Isip-isip lang po.