LP, MAKABAYAN BLOC SINUYO NI VELASCO

Lord ­Allan Velasco

PANAY ang panunuyo ni Marinduque Rep. Lord ­Allan Velasco sa mga mambabatas mula sa ibang partido upang makuha ang kanilang boto, matapos   na makumpirma na hindi solido sa kanyang kandidatura para sa speakership ang kinaaniban nitong PDP-Laban na may 84 miyembro.

Kahapon ay inianunsiyo nina PDP-Laban members Rep. Doy Leachon, Johnny Pimentel at Rimpy Bondoc na nasa 40 miyembro ng partido ang pumirma sa manifesto of support para sa Speakership bid ni Velasco.

Samantala, ang ibang miyembro nito na pawang mga senior congressman ay nag-cross partyline para suportahan naman ang kandidatura ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano na mula sa Nacionalista Party.

Kinumpirma ng Ma­kabayan Bloc na kinausap sila ni Velasco,  ngunit hindi naman nito isinapubliko ang mga pangako sa kanila  nito maliban lamang sa tiniyak sa kanila na kung dati ay limitado lamang ang oras ng oposisyon pagdating sa mga debate, sa ilalim ng bagong liderato ay mas luluwagan ito.

Sa panig ng Liberal Party, sinabi ni Caloocan Rep. Edgar Erice na ki­nausap din sila ni Velasco, at  hinihikayat sila na sumama na sa Majority at isa sa posibleng ibigay sa kanila ay mga Committee Chairmanship para sa kanilang mga senior members.

Inamin ni Erice na hanggang sa ngayon ay wala pang desisyon ang kanilang partido sa Kamara sa kung sino ang susuportahang Speaker. Bloc voting din ang gagawing pagboto ng LP na may 18 miyembro.

Ang Partylist Coalition Foundation Inc. (PCFI) na may 54  miyembro ay ina­awitan din ni Velasco kung saan isa sa hinihiling ng koalisyon sa susuportahan nilang Speaker ay makuha muli ang 32 puwesto sa Kamara na kanilang hawak sa nakaraang 17th Congress.

Maliban kay Velasco ay sinasabing nanunuyo rin si Leyte Rep. Martin Romualdez ng mga kapwa mambabatas. Una nang sinabi ni outgoing ­Quezon Rep. Danilo Suarez na may 153 congressman ang lumagda sa manifesto of support sa kandidatura ni Romualdez subalit wala namang nagkukumpirma nito.

Ang National Unity Party na may 25 miyembro at ang Nacionalista Party na may 42 miyembro ang nauna nang nagpahayag ng kanilang susuportahang Speaker at  napili ng partido na boboto sa pamamagitan ng bloc voting si Cayetano.

Comments are closed.