UMAABOT sa P32 kada tangke ang itataas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) simula ngayong Biyernes.
Ayon sa report ng malaking importer ng LPG, ang itinaas ng contract price ay katumbas ng dagdag na P2.50 hanggang P2.90 bawat kilo o P27.50 hanggang P31.90 bawat regular na tangke.
Ito ay dulot ng mas mataas na demand sa LPG sa buong mundo.
Ayon kay South Pacific Inc. President Jun Golingay, tumaas ang presyo ng krudo kaya tumaas din ang presyo ng LPG.
Inaasahan din na sa mga susunod na buwan ay bababa na ang presyo ng LPG.
“Prices are bound to go down by April and May,” ani Golingay.
Mula sa kasalukuyang P576 hanggang P755 bawat 11 kilogram ng tangke, papalo na ng P603 hanggang P782 ang presyo ng LPG simula nga-yong araw.
IMPORTED NA PETROLYO BUMABA ANG PRESYO
Bumaba naman ang presyo ng imported na petrolyo sa pandaigdigang merkado, base sa unang dalawang araw ng trading.
Nasa P0.17 ang ibinaba ng kada litro ng diesel, P0.16 sa gasolina at P0.38 sa kerosene.
Pero puwede pa itong mabaligtad sa huling tatlong araw ng trading.
“Hopefully magtuloy-tuloy para next week naman maka-enjoy ang ating mga kababayan ng pagbaba ng presyo,” pahayag ni Independent Philippine Petroleum Companies Association President Bong Suntay.
Simula Enero 1 hanggang Pebrero 27, P6.69 na ang itinaas ng kada litro ng diesel, P5.89 sa gasolina, at P4.52 naman sa kerosene. AIMEE ANOC
Comments are closed.