LPG TANK NA MAY PS AT ICC TANGKILIKIN – DTI-BPS

LPG TANK-2

NANAWAGAN  ang Department of Trade and Industry-Bureau of Philippine Standards (BPS) sa publiko, partikular na sa mga karinderya at restaurant na tangkilin at bilhin  lamang ang liquefied petroleum gas (LPG) tank na may marka ng Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) upang maiwasan ang anumang panganib sa buhay.

Ito ay bahagi ng programa kaugnay sa standards enforcement  campaign at market monitoring laban sa nagkalat na pekeng LPG tank na labis na nakaaapekto sa mga lehitimong manufacturer na certified ng DTI-BPS.

Kabilang sa mga lehi­timong distributor ng LPG tank (cylinders) na Shine Gaz para sa household use ay binigyan ng certificate at license mula sa Bureau of Philippine Standards, sa pamumuno ni Director James E. Empeno.

Iba’t ibang klase ng timbang ang Shine Gaz mula sa 1 kilogram; 2.7 kilogram, 5 kilogram; at 11 kilogram na inaprubahan ng DTI-BPS na balido hanggang Pebrero 15, 2022 kung saan naka­marka sa bawa’t tangke.

Isa sa enforcement arm ng DTI-BPS ay ang  Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) na sa pamamagitan ng Surveillance and Monitoring Division ay patuloy na binabantayan ang mga nagpapakalat ng murang LPG tank o cylinder kung ito ay sumusunod sa Fair Trade Laws (FTLs) ng mga negosyo, gayundin sa mga batas na pinaiiral bilang suporta sa Bureau of Philippine Standards (BPS).

Comments are closed.