LRT-1 BALIK NA SA FULL OPS

BALIK na ang whole-line operations ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) nitong Sabado ng umaga makaraang unang ianunsiyo ang limitadong serbisyo nito hanggang Linggo.

Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang operasyon para sa full line ay ibinalik alas-10:30 ng umaga.

Noong Huwebes ay inanunsiyo ng kompanya na lilimitahan ang Line 1 operations mula Gil Puyat hanggang Fernando Poe Jr. (Roosevelt) stations mula Aug. 25 hanggang 27.

Nangangahulugan ito na walang tren na bibiyahe mula sa mga istasyon ng Libertad, EDSA, at Baclaran sa loob ng tatlong araw dahil sa patuloy na pagkukumpuni upang tugunan ang mechanical problem na dinanas ng isang Gen-2 trainset.

Gayunman, sinabi ng LRMC nitong Sabado na natapos na nito ang lahat ng kinakailangang track works na mas maaga sa iskedyul, kabilang ang operational tests at safety clearance.

“There will be no changes in the regular service schedule of LRT-1 for its last trip today,” nakasaad sa abiso.

“The last train leaving Baclaran Station is at 9:30 PM, while the last trip from Fernando Poe Jr. Station is at 9:45 PM,” dagdag pa nito.