MAHIGIT sa 14 milyong katao ang sumakay sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) nitong Agosto, ang pinakamataas na ridership sa loob ng isang buwan, ayon sa operator nito na Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Napag-alaman na ang dami ng pasahero ay pumalo sa 14.6 million, mas mataas ng 8 percent sa 13.45 million na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon dahil sa improvements na nagresulta sa pagdami ng trains at pagbawas sa waiting time ng mga pasahero.
Sa kasalukuyan, ang train rehabilitation program ng LRMC ay nagresulta sa paglobo ng bilang ng car trains sa 112 mula sa 77 noong 2015 at 530 daily trips noong 2017 mula sa 478 trips kada araw noong 2016.
“The ridership growth is a manifestation of stronger customer preference for LRT-1 over other modes of transportation. It is a significant achievement for our employees who have focused on increasing the number of trains and trips, reducing queueing time and travel time, as well as improving the safety, security and cleanliness of the stations,” pahayag ni LRMC President and Chief Executive Officer Juan Alfonso.
Ang kompanya ay humihirit ng fare increase na P5 upang mabawi ang investments nito para mapagbuti ang railway operations at matustusan ang konstruksiyon ng extension ng LRT-1 mula Baclaran patungong Bacoor, Cavite.
Ang fare increase ay inaasahang makahihikayat sa mga bangko na magpautang para sa LRT-1 Cavite Extension Project.
“A PHP 5 increase in LRT-1 fare will assure the construction of its extension to Sucat, Las Piñas and Bacoor, allowing at least 300,000 of residents each day to get to and from home in just minutes from Baclaran without traffic,” sabi pa ni Alfonso.
Ang kasalukuyang pasahe sa LRT-1 ay P15, P20 at P30 depende sa layo. Hindi pa ito nagtataas ng pasahe magmula noong Setyembre 2015.
Ang fare hike petition ay kasalukuyang dinidinig sa Department of Transportation (DOTr).
Target ng LRMC na masimulan na ang konstruksiyon ng first phase ng LRT-1 Extension project na sakop ang Redemptorist, Manila International Airport (MIA), Asiaworld, Ninoy Aquino at Dr. A. Santos stations sa susunod na buwan.
Ang LRT-1 extension ay inaasahang makapagpapabilis ng travel time mula Baclaran patungong Bacoor ng 30 minuto mula sa kasalukuyang isa’t kalahating oras tuwing rush hours. PNA
Comments are closed.