LRT-2, MRT-3 NORMAL OPS SA UNDAS

IPINAHAYAG ng Light Rail Transit -Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit- Line 3 (MRT-3) na ipatutupad nila ang normal operations mula Nobyembre 1 hanggang 2 sa paggunita ng Undas.

Ayon sa pamunuan ng LRT-2, ang unang train mula Recto Station at Antipolo Station ay magsisimulang bumiyahe alas-5 ng umaga.

Ang last trip sa Recto Station ay alas-9:30 ng gabi habang ang last trip naman sa Antipolo Station ay alas-9 ng gabi.
Idineklara ng Malacañang ang All Saints’ Day sa Nob. 1 at All Souls Day sa Nob. 2 bilang special non-working days.

Samantala, itataas ng MRT-3 ang security alert level nito mula Oktubre 31 hanggang Nob. 5 kaugnay sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa paggunita sa All Saints’ Day at All Souls Day.

Sa isang abiso, sinabi ng pamunuan ng MRT-3 na ang panukala ay naglalayong tiyakin ang ligtas, organisado, at komportableng paglalakbay para sa mga uuwi sa kanilang mga probinsya para sa paggunita sa holiday.

Ipakakalat din ang karagdagang mga security at station personnel upang subaybayan at tulungan ang mga pasahero kung kinakailangan.

Ang patuloy na koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) ay maglalatag ng police assistance desk sa lahat ng istasyon, na magpapahusay sa pangkalahatang kaligtasan ng mga commuter.

Pananatilihin ng MRT-3 ang mga regular na oras ng operasyon nito, kung saan ang mga tren ay umaalis mula North Avenue sa ganap na alas-4:30 ng umaga hanggang alas- 9:30 ng gabi at mula sa Taft Avenue mula alas-5:05 ng umaga hanggang alas-10:09 ng gabi.

Hinihikayat ng rail management ang mga pasahero na sundin ang mga security protocol sa mga tren at istasyon upang matiyak ang ligtas na paglalakbay. EVELYN GARCIA