SA IKATLONG sunod na taon ay muling pinalarga ng pamunuan ng Light Rail Transit (LRT) ang kanilang Christmas train at buena manong pasahero rito nitong Biyernes ang 50 ulila o inabandonang mga bata.
Sa unang biyahe ng LRT kamakalawa ay binigyan ng pagkakataong makasakay sa Christmas train ang may 50 orphans mula sa Hospicio De San Jose at Pangarap Foundation.
Ang mga bata mula sa naturang mga bahay-ampunan ay nakisaya rin sa pagpapailaw ng Christmas display sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Tiniyak ng pamunuan ng LRT 1 na malilibang ang mga pasahero sa loob ng Christmas train dahil sa mga nakadekorasyon na parol, Christmas balls at pine tree leaves sa paligid.
Sa bintana naman ng train ay may mga larawan ng iba’t ibang simbahan sa Filipinas at mga tourist attractions sa Metro Manila.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), bukod sa holiday season, ang nasabing dekorasyon ay bahagi ng kanilang ‘Ikot Manila’ campaign para mahikayat ang marami na sumakay ng train sa pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan.
Bukod dito ay may mga QR code din ito para sa smartphones kung saan makikita ang ilang mga impormasyon sa isang lugar. VERLIN RUIZ
Comments are closed.