LRT1 Cavite extension 73% nang tapos

NASA 73 porsiyento nang tapos ang konstruksiyon ng first phase ng P64-billion Light Rail Transit Line 1 (LRT1) extension sa Bacoor, Cavite, ayon sa private sector operator Light Rail Manila Corporation (LRMC).

Sinabi ng LRMC na ang 73% overall progress rate para sa 11.7-kilometer LRT1 Cavite Extension Project ay natamo noong katapusan ng Agosto 2022.

Sakop nito ang nagpapatuloy na electromechanical works ng proyekto tulad ng paglalatag ng rails at paglalagay ng electrical system, gayundin ang kontruksiyon ng karagdagang limang bagong LRT1 stations para sa phase 1 ng proyekto: Redemptorist, MIA, PITX Asia World, Ninoy Aquino, at Dr. Santos.

Ayon sa LRMC, ang paglalagay ng trackwork ay nangangalahati na rin kasunod ng magkakasabay na instalasyon ng pre-track assembly, shear connector, rebar, formworks support para sa track plinth, concrete pouring, at derailment wall.

Ang paglalagay ng tracks at overhead catenary system ng viaduct ay magpapatuloy sa Ninoy Aquino Station, na kinailangan ang temporary closure ng bahagi ng outer lane (northbound) ng Imelda Bridge na nagkokonekta sa Barangays La Huerta at Sto. Niño sa Parañaque City, mula October 10 hanggang November 10 (9 p.m.-4 a.m. daily).

Ito ay upang bigyang-daan ang casting ng concrete plinths at pedestals sa lugar.

“Column and pier cleanup, including finishing works, will also commence at CAVITEX-Parañaque Bridge starting 7 a.m. of October 15 until 11 a.m. of October 16, 2022,” dagdag pa ng kompanya.