LRT2 BALIK SA FULL OPS SA UNANG BAHAGI NG 2021

LRT2

PINAPLANTSA na ang pagbabalik-operasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa lahat ng mga linya nito.

Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority (LRTA), na kanila nang isinasagawa ang simulation test sa linya ng Anonas, Katipunan at Santolan stations, na una nang nakaranas ng aberya dahil sa nasunog nitong power rectifiers.

Ayon kay Cabrera, ito ay upang masubukan ang kapasidad ng ikakasang temporary power supply system para sa naturang mga istasyon.

Aniya, hindi kakayaning hintayin pang matapos ang total repair ng mga ito na aabot ng isang taon kaya nagkaroon muna ng pansamantalang remedyo para rito.

“Hindi puwedeng maghintay tayo nang matagal, so, magkaroon muna tayo ng temporary facility. Niremedyo muna natin to have a safe power supply in temporary,” ani Cabrera.

Gayunman, sinabi  ni Cabrera na may ilang epekto ang pagkakaroon ng temporary power supply.

Una na rito ang mabagal na takbo ng mga bagon.

Mula, aniya, sa normal operating speed nito na nasa 60kph hanggang 70kph ay magiging 35kph hanggang 40kph na lamang ito sa bahagi ng nabanggit na mga istasyon.

“‘Yung operational speed is around 60kph to 70kph, ang maximum is 80kph. Dito sa Anonas, Katipunan at Santolan, around mga 35kph-40kph lang tayo, talagang napakabagal,” aniya.

Samantala, nakatakda namang ilarga ang full operations ng LRT-2 sa unang bahagi ng 2021.

Magugunitang Oktubre, taong 2019, nang magliyab ang power rectifiers ng LRT-2 na nagdulot ng tigil-operasyon sa Santolan, Katipunan at Anonas stations.   DWIZ 882

Comments are closed.