LRTA TARGET IBALIK ANG OPS NG SANTOLAN-ANONAS STATION SA SETYEMBRE

PIPILITIN ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na muling buksan ang Santolan-Anonas station nito sa Setyembre oras na matapos ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.

Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, base sa timetable ng pamunuan, sa sandaling mai-award ang kontrata sa kompanyang magsasagawa ng temporary power supply, inaasahan na itong magbalik-operasyon makalipas ang tatlong buwan.

Paliwanag ni Cabrera, kung nai-award na ang kontrata noong Marso, sa susunod na buwan ng Hunyo ay maaari na itong magamit pero naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang procurement process nito.

Nauna rito, isinara ang tatlong istasyon ng LRT-2 – Santolan, Katipunan, at Anonas station – dahil sa naapektuhang mga rectifier bunga ng sunog noong Oktubre 2019.

Tiniyak naman ng pamunuan ng LRTA na sa oras na magbalik-normal na sa susunod na buwan, muli na ring tatrabahuin ang procurement process hinggil sa pagsasaayos ng mga nasirang istasyon ng tren.

Samantala, sa oras naman na ibaba na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, magbabalik-operasyon na rin ang Recto hanggang Cubao stations nito. ACE CRUZ ( DWIZ 882)

Comments are closed.