BANTAY sarado ngayon ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay sa pagsisimula ng malawakang hulihan para sa mga hindi consolidated na Public Utility Jeepney (PUJ).
Tinatayang nasa 50 tauhan mula sa QCPD ang nakaposte at may mga nakahandang barikada sakaling may mga grupong magtangkang magprotesta rito.
Nabatid na sa kanto ng East Avenue at National Irrigation Administration (NIA) Road mayroon nang mga nagtipon-tipon na miyembro ng Grupong MANIBELA na inaasahang magsasagawa ng kilos-protesta para tutulan ang PUV Phaseout.
Una na rin nagbabala si Transportation Undersecretary for Road Transports Andy Ortega sa mga operator at tsuper ng jeepney na tumanggi sa consolidation na huwag nang mamasada dahil maituturing na silang kolorum.
Samantala, ayon naman kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na dadaan naman sa due process ang mga uncosolidated public utility vehicles (PUV).
Dagdag pa nito, mahigpit nilang ipapatupad ang paghuli dahil sa natapos na ang palugit na kanilang ipinatupad.
Aniya, malinaw mula sa simula na hindi na papayagang makabiyahe pa ang mga operators at drivers na hind nakapag-consolidate.
Ang mga driver ng mga unconsolidated jeepney na patuloy na bumibiyahe ay maaring maharap sa isang taon na suspensyon.
Maari rin silang pagmultahin ng halagang P50,000 at ma-impound ang kanilang sasakyan ng 30 araw o isang buwan.
EVELYN GARCIA