LTFRB NAGBABALA SA RIDE SHARING

LTFRB-ANGKAS

NAGBABALA kahapon  ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maaaring maharap sa kasong contempt ang ride sharing platform “Angkas” kapag nagpatuloy nitong inisnab ang order ng korte.

Ayon kay LTFRB Executive Director Atty. Samuel Jardin, ang ride-sharing platform Angkas ay maaring ma-cite for contempt kung patuloy na babalewalain nila ang Supreme Court order na itigil na ang kanilang operasyon.

Kamakailan, pinayagan na ng Korte Suprema ang mga awtoridad para hulihin ang angkas drivers na sumasalungat sa inilabas na kautusan ng Mandaluyong Court.

“‘Pag ang isang party ay hindi susunod sa order ng Kor­te Supreme, puwede silang ma-cite for contempt,” ani Jardin.

Sa halip, nag-alok pa ang Angkas nitong nakalipas na linggo ng P99-discount na maaaring magamit ng dalawang beses ng kanilang mga pasahero.

Ayon sa LTFRB, ang riders na patuloy sa kanilang pagbibiyahe at naglalagay pa sa peligro sa kanilang mga mananakay ay maaring pagmultahin ng P6,000 fine at impound ang kanilang mga  motorsiklo.

Sinabing may kapangyarihan ang  Supreme Court bilang ‘motu proprio’ na kasuhan ng contempt ang Angkas.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.