PORMAL nang pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline para sa mga operator ng public utility jeepneys (PUJs), UV Express, at multicabs o FILCABs hanggang sa katapusan ng taon.
Noong unang bahagi ng nakaraang buwan, inanunsiyo ng LTFRB na pahahabain nito hanggang Disyembre 31, 2023 ang deadline mula sa Hunyo 30 para sa franchise consolidation ng nasabing mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng PUV Modernization Program (PUVMP).
Nitong Marso 29, naglabas ang ahensiya ng Memorandum Circular 2023-017 na nagre-recall sa MC 2023-013 na nagtakda ng deadline para sa public utility vehicles (PUV) na magsama-sama sa iisang kooperatiba o korporasyon.
Sinabi ng LTFRB na ang bagong circular ay naaayon sa direktiba ng Pangulo Ferdinand Marcos Jr. at Transportation Secretary Jaime Bautista na muling bisitahin ang PUV modernization program at upang masuri ang antas ng pagsunod ng mga stakeholder.
Pinapalawig ng pinakahuling circular ang deadline para sa “industry consolidation” para sa mga rutang walang inihain na aplikasyon para sa consolidation hanggang Disyembre 31, 2023.
“Validity of Provisional Authority pursuant to MC No. 2022-033 is hereby extended until 31 December 2023, without need of filing an extension,” nakasaad sa bagong memo.
“We issued the new circular because we understood the wisdom of the President and the DOTr Secretary in calling for further review of the PUVMP and make it even more dynamic, flexible, and responsive to the needs of operators and drivers and ultimately the riding public, who will benefit from a convenient, accessible, safe and secure, and affordable public transportation system,” pahayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III. BENEDICT ABAYGAR, JR.