HINARANG ng isang opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na nagpanggap na pasahero sa Mandaluyong City at bukod sa sermon, tiket na may multa ang inabot ng ilang isnabero at nangongontratang taxi driver.
Sa isang ulat, sinabing ilang beses sinubukan ni LTFRB board member Atty. Aileen Lizada na pumara ng taxi sa isang mall sa Mandaluyong pero hindi siya pinansin kahit wala namang sakay.
May isang taxi driver naman na nagsabing pang-Grab siya pero nang suriin ang kanyang cellphone ay wala namang app para sa transportation network vehicle service.
Dahil dito, hinarang at tiniketan ang isnaberong taxi driver, sabay multa na mula P5,000 hanggang P120,000 depende sa paglabag.
May isang taxi driver na nagdahilan na kaya hindi niya isinakay ang opisyal ay dahil may “sundo” siya, na ayon kay Lizada ay bawal din.
“Itong linya na ‘to its either namamahinga ang taxi driver, or nasiraan sila o sira taxi nila or ‘yung iba nagsasabi na Grab sila pero di naman naka-on ang Grab app nila,” sabi ng opisyal.
Sinabing “pick and drop” ang dapat na sistema ng mga taxi driver at kung sino ang unang pumara ang dapat na unang isasakay at hindi dapat nagsisingit ng pasahero.
“Kailangan nating gawin to para tumino [ang mga driver] they straighten up. You just have to follow strictly kung ano ang batas ‘yun na ang gagawin natin,” giit niya.
Sa kabuuan, pitong taxi ang in-impound ng LTFRB, habang itinimbre naman para hanapin ang isang pribadong sasakyan na nabistong nan-gongontrata.
Kahit nakuha ng tauhan ng LTFRB ang susi ng sasakyan, nakatakas pa rin ito gamit ang reserbang susi.
Comments are closed.