PINUWING ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ‘biglaang’ pasiya nitong bawasan ang bilang ng mga lisensiya ng ‘biker-partners” ng kompanyang Angkas na gumagamit ng mga motorsiklo sa paghatid ng mga pasahero, gaya ng taksi.
Ang pagbawas ng LTFRB sa bilang ng laang mga lisensiya sa 10,000 na lamang mula sa 27,000 sa ‘pilot run’ ng Angkas mula Disyembre 23, 2019 hanggang Marso 23, 2020 ay mangangahulugan ng pagkawala ng trabaho ng may 17,000 drayber ng motorsiklo sa Metro Manila, Tinawag ni Salceda itong ‘anti-consumer’ at ‘anti-competitive behaviour.’
“Mayrong hindi tama sa ‘policy behavior’ ng LTFRB kaugnay sa Angkas. Bakit hindi na lang gawing bukas para sa lahat? At bakit biglaan ang pagbawas sa bilang ng mga lisensiyang laan para sa kanila. Parang may pinapaboran kayo at sinasakripisyo ang interes at kapakanan ng mga mananakay,” giit ng mambabatas.
Sinabi ni Salceda na mahalagang papel ang ginagampanan ng mga motorsiklo upang mapagaan at mapabilis ang trapiko. Ito ang dahilan kung bakit walang pataw na buwis sa sektor ng mga motorsiklo sa amyendang panukala sa Motor Vehicle Road Users’ Tax Act na akda at inihain na niya sa Kamara.
Ayon kay Salceda, susuriin ng Kongreso ang naturang isyu.
Comments are closed.