PINASARINGAN ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa ilang problemang bumabalot muli sa ahensiya partikular ang kakapusan ng supply ng plastic IDs para sa drivers license.
Sa isang ambush interview ng Pilipino Mirror sa ginanap na book launching na “Gabay sa Ligtas na Pagmamaneho” (Drivers Manual) na pinangunahan ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) kamakalawa sa Aberdeen Court sa Quezon City, sinabi ni Bautista na nakikita niyang may pagkukulang ang LTO sa naturang problema.
Sinabi pa ng DOTr chief na hindi magandang magturuan at manisi ang LTO sa kapabayaang nangyari sa shortage ng plastic IDs para sa drivers license na kung saan hanggang katapusan na lamang ng Abril ang supply.
“Hindi maganda yung nagsisisihan kasi hindi perfect ang operations ng ating mga opisina. May pagkukulang kaya nga ayoko naman manisi pero ang importante ay kung nagkaroon tayo ng problema ay ayusin natin,” pahayag ni Bautista.
Bukod pa rito, pinuna rin ni Bautista ang kawalan aniya ng transparency ng ahensiya kung kayat mismong ang DOTr na ang gumagawa ng paraan at magre-review upang maging maayos ang procurement kaugnay ng shortage sa plastic IDs ng lisensya.
“As head ng department dapat maging maayos ang palakad natin, magkaron tayo ng good governance, meron tayong magandang housekeeping kaya naglabas kami ng administrative order, meaning dahil may sectoral offices tayo under sa DOTr gusto natin magkaron ng transparency in terms of ano ba yung binibili natin ano ba mga diniskusyon natin na malalaki kaya nag isyu kami ng department order nu’ng January na lahat ng mga purchases over P50 million ay kailangan mareview ng DOTr,” paliwanag pa ni Bautista.
Bagamat inamin ni Bautista na nag-uusap sila ni LTO Assistant Secretary Jay Art Tugade nitong nakalipas na linggo, usap usapan naman ang pagtataas ng boses umano ng LTO chief sa kalihim habang pinagtatalunan ang procurement sa ID cards ng lisensya.
Magugunitang, nagpahayag si Tugade na magkakaroon ng kakapusan ng supply ng plastic drivers license sa katapusan ng Abril bunsod aniya ng kawalan ng kalinawan kung hanggang kailan masosolusyunan ang kakulangan ng suplay ng plastic card para sa paggawa ng drivers license kung kayat pansamantalang papel muna ang ibibigay ng LTO sa mga motorista.
Nabatid na hindi nagustuhan ng kalihim ang naging pahayag ni Asec. Tugade kamakailan sa pagsasabing hindi sila nagkulang sa pagpapaalala sa DOTr. BENEDICT ABAYGAR, JR.