HINAMON na ni Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) Founder Atty. Ariel Inton ang Land Transportation Office (LTO) na gumawa ng paraan na maging public ang pagpapatupad ng motor vehicle inspection sa bansa.
Sa isang panayam ng Pilipino MIRROR, sinabi ni Inton na ito ay upang magkaroon ng option ang mga motorista o may ari ng sasakyan na hindi kaya ang napakamahal na singgil sa private motor vehicle inspection center (PMVIC).
Aniya, hindi lahat ng may ari ng sasakyan ay mayayaman katulad na lamang ng mga PUV o may jeepney gayundin ng mga may motorsiklo.
“May nakalaang pondo noon diyan ang gobyerno na nagkakahalaga ng tinatayang P800 milyon, nasaan na? gamitin nila,” wika ni Inton.
Matatandaang kinuwestiyon ni Inton ang ginawang pagsasapribado ng motor vehicle inspection dahilan sa mga kaduda-dudang nangyayari sa pagpapatupad ng PMVIC bunsod na rin ng sandamakmak na natatanggap na reklamo na idinudulog sa LCSP.
“Hinahamon ko ang LTO pati na rin ang Department of Transportation, gawan nila ng paraan na gawing public ‘yang PMVIC na ‘yan para may ibang option naman ang mga kababayan nating motorista,” pahayag pa ni Inton.
Sinabi pa nito na halos karamihang nagaganap na aksidente sa bansa ay dulot ng kalasingan o lango sa ipinagbabawal na gamot ang driver kung kayat nagkakaroon ng aksidente kaya duda si Inton kung bakit pinagdidiskitahan ang mga sasakyan sa pamamagi-tan ng ibat ibang testing para matiyak na roadworthy ang sasakyan.
Kasunod nito, nanawagan si Inton sa Senado at Kongreso na siliping maigi ang naturang maanomalyang PMVIC na hinihinalang pagmamay ari ng ilang mapag samantalang politiko.
“Gagamitin pa nila ang salitang safety, eh ang nangyayari eh safety is now the best excuse to make money,” litanya pa ni Inton.
“Sige gawin nilang public ‘yan mag- request uli sila ng pondo para naman hindi mahirapan yung ibang motorista, gumawa sila (LTO) ng paraan, kung hindi nila kayang gawin ang tungkulin nila, aba umalis na sila,” tahasang pahayag ni Inton. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.