KINUWESTYON ng House Committee on Transportation ang Land Transportation Office (LTO) ang malaking kakulangan sa license plates ng mga sasakyan at driver’s license sa isinagawang congressional inquiry.
Ito ay matapos isalang ng House Committee on Transportation na pinamumunuan ng Chairman nitong si Antipolo City Rep. Romeo Acop ang mga opisyal ng LTO upang malaman ang update tungkol sa estado ng suliraning ito mula sa mga sangay nito na Land Transportation Management System (LTMS), license plates and driver’s license, at ang operations ng Private Emission Testing Centers (PETC) at Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC).
Tinanong ni Acop kung bakit 36 milyon pang sasakyan na idineklara ng ahensya ang nananatiling hindi rehistrado.
Ayon naman kay LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ang ibang may ari ng sasakyan ay nananatiling hindi nakakakapagparehistro simula pa noong pandemic, samantalang ang iba ay pinili na lamang umanong hindi magrehistrong muli dahil sa kakulangan ng mga rekisitos nito sa pagpaparehistro.
Hinikayat naman ni BH Party-list Rep. Bernadette Herrera ang LTMS na bigyan ng access ang identification systems provider na Dermalog upang makita ang datus na dahilan ng delay.Pinayuhan din nito ang LTMS na ipatupad ang nararapat gawin ayon sa inaasahan na serbisyo mula sa kanila.
Sinabi naman ni Undersecretary David Almirol Jr. mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na may direktang access ang LTO sa data.
“The biggest problem is if there is no access of the data, the LTO itself cannot help innovate. LTO will still be asking Dermalog to all of these change requests,” ani Almirol.
Ayon naman kay Mendoza, sinisikap din nilang ma-access ang LTMS database upang makita ang payment system at iba pang online platforms nito
Sa panig ni LTO Administrative Division Chief Louella Mutia, ang ahensya ay nakapag-procure na ng 5.2 milyong piraso ng cards para sa driver’s license ng nakaraang taon.At bago umano magkaroon ng court injunction ang supplier nito ay nakapag-deliver na ng 2 million cards kaya mahigit 3.22-million cards ang nabinbin na mai-deliver.
Mula Pebrero 14, 2024 ay 1.74 million o 86.9 porsiyento ng cards ay naisyu na para sa driver’s license. Samantalang 123,543 or 6 porsyento naman nito ay may diperensya, at ang 7 porsiyento nito o 137,945 cards ay nananatili pa sa kanilang tanggapan.
Sinabi pa ni Mutia na balak umanong magkaroon ng agency-to-agency procurement upang mawala ang backlog. Umaabot sa P284.18 milyon ang inallocate para umano sa pagbili ng 6.5 milyon pang cards.
Sa ngayon, tinatayang umaabot pa sa 7.69 milyon na plaka naman ang hindi pa nade-deliver para sa mga motorsiklo at mga sasakyan, ayon kay Mutia. Ma.Luisa Macabuhay Garcia