PAIIGTINGIN pa ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya nito sa pagsusuot ng seatbelt bilang road safety measure ngayong 2025.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan niya ang lahat ng Regional Directors at District Office heads na gamitin ang social media para mapalawak ang information dissemination at mahikayat ang mas maraming motorista na sumunod sa mandatory na paggamit ng seatbelt.
“The campaign shall stress the safety and health value of seat belts to support the most effective enforcement,” aniya.
Kabilang din sa plano ang pagde-deploy ng enforcers para magpatupad ng batas trapiko at ang pakikipag-ugnayan sa law enforcement agencies. Ito’y hakbang ng LTO na bahagi rin ng Stop Road Crash program na agresibong isusulong ngayong taon.
Sa ilalim ng kampanyang ito, makikipagtulungan ang LTO sa LGUs, gayundin sa citizen groups, community organizations, transport groups at iba pang stakeholders para mas mapalaganap ang kahalagahan ng pagsusuot ng seat belt.
PAULA ANTOLIN