PARA masolusyunan ang patuloy na pagdagsa ng maraming aplikante mula sa 20 bayan ng lalawigan ng Laguna at ng Quezon, gumawa ng karagdagan pang tanggapan ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) sa CLA Areza Town Center sa bayan ng Pagsanjan.
Sa harap ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, kasama ang lahat ng mga opisyal ng LTO Region 4A, na sina CLA Vice President for Operation Cezar Areza, Pagsanjan Municipal Mayor Girlie Maita Ejercito Estregan at Former Laguna Gov. ER Ejercito, pinasinayaan ng mga ito ang karagdagan pang Driver’s License Renewal Office (DLRO) para makatulong sa maraming mamamayan na nagmumula pa sa mga malalayong lugar.
Matatandaang hindi umano inaasahan kamakailan ang naganap na insidente matapos atakehin sa puso sa loob mismo ng tanggapan ng LTO sa bayan ng Pila ang isang lalaki na umano’y matagal nang may sakit bunsod ng hindi inaasahang pagdagsa ng maraming aplikante.
Sinabi ni Galvante sa kanyang mensahe na pananatilihin ng mga ito ang maayos na serbisyo sa mamamayan.
Kung makikipag-transact aniya sa LTO Personnel, hindi kailangan pang gumamit ng fixer at padrino at walang dagdag na fees.
“We’re not patronizing fixer, pansamantala ito lang muna ang karagdagang tanggapan subalit pinagpaplanuhan pa namin na makakuha ng maganda pang lugar ayon na rin sa ipagkakaloob na isang ektaryang lupa ni Areza para magkapaglagay ng Vehicle Inspection Center at iba pa,” ayon kay Galvante. DICK GARAY
Comments are closed.