NAKIPAGPULONG ang Land Transportation Office (LTO) sa Philippine Medical Association (PMA) para matugunan ang isyu ng road rage cases partikular sa mga motoristang may psychological disorders.
Kasunod ito ng pagharap sa LTO-NCR ng motoristang makailang beses nag-viral dahil sa mga kinasangkutang road rage incident na napag-alamang may sakit pa lang bipolar.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, hiningi nito ang tulong ng PMA para bigyang pansin ang isyung lalo’t sila ang eksperto sa ganitong usapin.
Aniya, pinag-aaralan nila ang pagkakaroon ng kasunduan sa PMA hinggil dito.
Gayunpaman, aminado si Mendoza na hindi pa ikinokonsidera sa ngayon ng ahensya ang pagsasama ng psychological tests sa pagkuha ng driver’s license.
“We do not want to burden the 90% na walang problema, baka naman pinag-uusapan natin minority.. we’re coming up with something for this. Frankly, this is something new.”
Ayon kay Mendoza, maliban sa medical test ay nirerebyu na ng ahensya ang lahat ng aspeto sa pagkuha ng lisensya para masigurong ang mga motoristang mabibigyan nito ay magiging responsable sa kalsada.
EVELYN GARCIA