LTO sa LGUs: NO CONTACT APPREHENSION POLICY SUSPINDIHIN MUNA

LTO OFFICE-2

HINIKAYAT ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz ang mga lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng no contact apprehension policy (NCAP) na suspindihin muna ang polisiya.

Ayon kay Guadiz, ikonsidera muna ang suspensyon ng polisiya at hiniling na makipagpulong sa LTO upang maplantsa ang mga panuntunan kabilang na ang inirereklamo ng mga operator ng pampublikong sasakyan na sila ang naoobligang magbayad ng multa sa paglabag ng kanilang mga drayber.

“Sa ilalim ng batas, ang nagbabayad ng multa ay ang registered owner ng sasakyan, on the presumption na ang rehistradong may-ari ng sasakyan ang nagmamaneho and by command responsibility, ‘yung may-ari ng sasakyan talaga ang dapat na magbayad kung may violation,” pahayag ni Atty. Guadiz.

“Pero, ito po ay pinag-aaralan namin ngayon. Tila po may kakulangan sa policy na maaaring kailangang repasuhin upang ang mismong drayber o nagmamaneho ng sasakyan ang dapat na managot sa paglabag.

We will look into ways na ang dapat managot ay ang drayber,” ipinunto ni Guadiz. Sinabi ni Guadiz na bahagi ng kanilang mandato sa implementasyon ng NCAP ay magpalabas ng alarma sa mga sasakyan na nasasangkot sa paglabag.

“Ito po ay proyekto ng mga LGU. Ang part lang ng LTO ay kami ang naglalabas ng alarma mga sasakyang lumabag,” ayon pa sa LTO chief.

Isa pa sa nais ni Guadiz na mapag-aralan ay kung naibenta na sa iba ang sasakyan ngunit hindi nairehistro sa LTO ang paglilipat ng pagmamay-ari at nagkaroon ng paglabag sa batas-trapiko.

“There are instances po na ‘yung sasakyan ay nailipat na sa ibang pangalan pero dahil hindi ito nailagda sa LTO, ang sinisingil pa po nila ay ‘yung dating may-ari ng sasakyan. We would like to revisit this po,” pagtitiyak ni Guadiz. EVELYN GARCIA