UMAPELA ang Land Transportation Office (LTO) sa publiko na iwasang alukin ng pera o suhulan ang kanilang mga law enforcer para lamang malusutan ang mga ginawang paglabag sa batas trapiko o hindi matiketan.
“Offering bribes to our law enforcers will not get you anywhere and will make things worse. Wala pong tiwali kung walang mag-uudyok na maging tiwali. Magtulungan po tayo,” pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.
Ang apela ay kasunod ng pagkakahuli ng LTO Region 5 Law Enforcement sa Sorsogon City sa isang motorista na nasita sa inspeksyon bilang bahagi ng “Oplan Ligtas Biyaheng Pasko 2022” kamakailan.
Habang naka-duty sa Maharlika Highway sa Brgy. Guinlajon, Sorsogon City ang grupo ng mga LTO enforcer na sina Rey Alvin Belgica, Wilfredo Macapagal Jr., Ferdinand Sta Ana Jr., at Gregory Jim Monforte, pinara nila ang Toyota Ace na may plakang NAC 4647 para iberipika ang lisensya at rehistro nito.
Nadiskubre na ang sasakyan ay ginagamit upang maghatid ng pasahero mula Northern Samar patungong Cubao, Quezon City, na malinaw na paglabag dahil sa pagpapatakbo ng “for hire” na sasakyan na walang prangkisa o kolorum.
Habang inihahanda ni Belgica ang Temporary Operator’s Permit (TOP) o violation ticket, ikinagulat nito nang lumapit ang driver at sinubukang magsuksok ng P3,000 sa ilalim ng mga dokumentong hawak niya.
Nang makita ng driver na may nakatutok na camera sa kaniya ay biglang hinablot nito ang pera at mabilis na lumayo pero agad din siyang inaresto ng traffic enforcers.
“The entire LTO and I laud the actions of our noble traffic enforcers for refusing to accept the alleged bribery attempt, for standing firm in enforcing the law and not be tempted by acts of corruption. They are exceptional public servants that should be emulated by everyone,” dagdag pa ng LTO Chief. EVELYN GARCIA