LTOPF NI PASTOR QUIBOLOY BINAWI NA NG PNP

TULUYAN ng binawi ng Philippine National Police (PNP) ang License to own and Posses Firearms (LTOPF) ni Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, ito ay matapos pirmahan ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil nitong Biyernes ang aprubadong rekomendasyon ng Firearms and Explosives Office (FEO).

Paliwanag ni Fajardo, naging basehan ng pagkansela ng LTOPF ang probisyon sa Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na nagsasaad na ang sinumang akusado na ang kaparusahan ay mahigit 2 taon ay hindi pinapayagan na mag-ari at magparehistro ng baril.

Kaugnay nito, agad umanong ipatutupad ng FEO ang naturang kautusan at bibigyan ang Pastor ng pagkakataon na kusang isuko ang kanyang mga armas sapagkat itinuturing na ang mga ito na mga loose firearms matapos na kanselahin ang kanilang LTOPF.

Una nang napaulat na mayroong kabuuang 19 na mga armas na nagkakahalaga ng ilang milyon ang nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Pastor Quiboloy kung saan ang lahat ng ito saklaw ng kaniyang binawing mga lisensya.

Si Quiboloy ay nahaharap sa kasong sexual abuse at human trafficking at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad dahil sa pagiging pugante.

Bukod sa mga nasabing kaso sa Pilipinas, wanted din umano ang pastor sa Amerika kung saan may mga kasong nakasampa rin laban sa kanya. EVELYN GARCIA / VERLIN RUIZ