LUGAW

SA totoo lang, ayaw ko lang palampasin ang isyu na ito. Ngayon at tapos na ang ating pagninilay-nilay sa Semana Santa, nais ko lamang ibigay ang aking opinyon sa siyung ito na naging viral. Marami sa mga kababayan natin ay gumawa ng kanya kanyang bersiyon sa social media upang batikusin, laitin at pagtawanan ang kawawang kagawad sa Brgy. Munzon sa lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan na nais lamang makatulong na ipatupad ang utos ng IATF sa lockdown.

Marahil hindi ko kailangang magbalik tanaw sa pangyayari noong nakaraang linggo. Samu’t sari ang mga reaksiyon sa insidente ng paninita sa isang food delivery na nais maghatid ng lugaw sa isang lugar ng isang barangay kung saan dikit dikit ang mga kabahayan na isa sa mga panganib na maaring kumalat ang nakamamatay na sakit na Covid-19.

Kung ating napanood ang video, ang nakikita ko na maaring nakapag-init ng ulo ng mga netizen sa kagawad ng barangay ay ang pamamaraan ng paninita. Opo. Sang-ayon ako rito. Napakataray at ginagawang parang tanga ang kanyang kausap tungkol sa polisiya ng curfew. Subalit’ kailangan ay unawain natin kung bakit may ganitong insidente na maari sanang maiwasan kung malinaw ang kautusan ng IATF.

Ang salitang ‘essential’ ang food delivery ay dapat linawin ng IATF. Kasabay rito ay kailangang inintindihin nating mabuti ang diwa o dahilan kung bakit ang ating pamahalaan ay nag-anunsiyo ng pagpapatupad ng panibagong ECQ sa Metro Manila kasama na ang mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Malinaw na ang diwa sa likod ng pagpapairal ng ECQ ay upang matigil ang tumataas na bilang ng kaso ng Covid-19 na umaabot na sa mahigit na 10, 000 kada araw. Napakasimple lang po. Kung mas kaunti ang tao na nasa labas, mas malaki ang pag-asang hindi kakakalat ang sakit.

Bagama’t naiintindihan ko na ang food delivery ay maituturing na essential, dapat ay magbigay rin ang IATF ng curfew sa food delivery. Kung ang curfew sa tao ay mula ala sais ng gabi hanggang alas singko ng umaga, dapat ay may curfew din ang food delivery.

Ang normal na mga kainan ay nagsasara ng alas diyes ng gabi, dapat ang food delivery ay bigyan din ng oras na maaring gumala sa lansanagan. Kailangan natin na makipagtulungan sa polisiya ng gobyerno.
Dapat ay baguhin ng IATF ang oras ng food delivery. Huwag naman sana ipamihasa ang mga mamamayan sa gitna ng ECQ. Kung masyadong maaga kumain ng hapunan ang ordinaryong pamilya sa takdang curfew na ala sais, dapat ang food delivery ay may curfew din ng hanggang alas diyes. Iilan lang ba ang tatawag ng food delivery sa disoras ng gabi o madaling araw?

Masakit at madali man sabihin, nguni’t kailangan nating makipagtulungan sa ginagawa ng ating gobyerno upang lutasin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng Covid-19. Huwag na sana tayo maging mapoot sa pagbabatikos sa pamamalakad ng ating pamahalaan at walang ginawa kundi pulos angal.

Huwag din sana gamitin at sakyan ng ibang politiko ang isyung ito para magpapogi o magpasikat para sa nalalapit na halalan. Matalas ang ating mga kababayan natin sa mga politikong epal.

Sapat at wastong pag-iingat ang kailangan natin para hindi tayo maisama sa tumataas na bilang ng kaso ng Covid-19. Huwag na tayo lumabas kung hindi naman talaga kailangan. Huwag makipag-usap nang malapitan sa mga tao. Magsuot ng face mask kung saan ang ating ilong at bibig ay natatakpan nito.

Magsuot ng face shield at huwag ilagay sa taas ng ating ulo. Maghugas ng kamay palagi ng sabon at maglagay ng alcohol sa kamay pagkatapos humawak ng mga bagay na hindi mo personal na gamit.

Magpahinga nabg husto. Mag-ehersisyo ng regular.

Ito lamang ang ating mga sandata sa ngayon bago dumating ang milyon milyon na bakuna na inangkat ng ating goberno at ng pribadong sektor. Sa ngayon, tama na muna ‘yang lugaw.

4 thoughts on “LUGAW”

  1. 332611 876780Greetings! Quick question thats completely off topic. Do you know how to make your site mobile friendly? My weblog looks weird when viewing from my iphone. Im trying to uncover a template or plugin that might be able to fix this difficulty. In case you have any recommendations, please share. Appreciate it! 845738

Comments are closed.