IBA-IBANG diskarte ngayon ang ginagawa ng mga maliliit na negosyo tulad ng mga karinderya kasunod ng pagsipa sa presyo ng commercial rice, isda, karne, at gulay sa maraming pamilihan.
Sa isang kainan sa Quezon City, mula sa P10 kada tasa ng kanin, itinaas na ang presyo sa P12 dahil sa mahal ng bigas.
Depensa ng may-ari, masarap naman ang kanilang kanin dahil hindi murang bigas ang kanilang sinasaing.
Ang ibang kainan naman ay binabawasan na lamang ang serving ng kanin at hindi na pinupuno ang tasa.
Ayon sa report, tumaas ang presyo kada sako ng bigas ng P100.
Pinakamura na umano ang P44 kada kilong sinandomeng.
Ang isang lugawan naman, sinabing “tumaas” ang benta nila nitong mga nakaraang linggo.
ULAM BINABAWASAN
Nagbabawas na rin ang mga tindera ng serving ng ulam para hindi magtaas ang presyo ng kanilang paninda.
Kung dati ay apat na hiwa ng karne ang bawat serving ng ulam, ngayon ay tatlong hiwa na lamang ito.
Ang mga dating ulam na nasa platito, ngayon ay sa lalagyan na lang ng sawsawan pinagkakasya para magmukhang siksik at umaapaw ang kanilang serving.
Pero ang mga hindi na talaga kayang dumiskarte, nagtataas na lang ng P5 kada serving ng ulam.
Ang karne ay nasa P40 ang serving habang sa gulay naman ay P30 na.
Isang kainan naman ang hindi talaga nagtaas ng presyo at ‘di rin nagbawas ng serving ngunit aminado sila na nabawasan sila ng lagpas P2,000 sa kanilang kita araw-araw.
PRESYO NG GULAY, ISDA
Sa isang pamilihan sa Sta. Mesa, narito ang kanilang presyuhan ng ilang mga gulay at isda: Bangus–mula P150 ay tumaas na ito sa P170-P180 kada kilo; galunggong–mula P150 ay tumaas na ito sa P180 kada kilo; tilapia—walang taas-presyo at napako lang sa P110; siling haba—mula P80 ay tumaas na ito sa P100 kada kilo; siling labuyo— mula P350 ay tumaas na ito sa P800 kada kilo; carrots—mula P80 ay tumaas na ito sa P110 kada kilo; kamatis—mula P80 ay tumaas na ito sa P100 kada kilo; sibuyas, bawang, patatas— walang galaw ang presyo.
Comments are closed.