TINATAYA ng Department of Agriculture (DA) na umabot na sa PHP7.96 billion ang pinsala at lugi ng sektor ng agrikultura sa bansa dala ng El Niño phenomenon o ang patuloy na tagtuyot.
Sa paglulunsad ng Pilipinas Agila Tires sa Ortigas, Pasig City, sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol na nakapinsala na ang El Niño ng 277,890 ektarya ng sakahan na may tanim na nasa 268,656 metric tons (MT) na karamihan ay palay at mais na nakaapekto sa 247,610 magsasaka at mangingisda.
Sa palay na lamang, nagtala ang DA ng PHP4.04 billion sa pagkalugi, sa panahon ng tagtuyot na nakaapekto sa 140,387 magsasaka at 144,202 ektarya ng sakahan na dapat sana ay nakapagbigay ng sinaka na 191,761 MT, o 0.96 porsiyento ng target na taunang produksiyon ng ani.
Ang pinsala sa mais, sa kabilang banda, ay nagkakahalaga ng PHP3.89 billion, na epekto ng El Niño sa 105,937 magsasaka at 133,007 ektarya ng saka. Ang dami ng pagkalugi ay tinatayang nasa 254,766 MT, o 2.95 porsiyento ng taunang target ng produksiyon.
Sinabi ni Piñol na sa kabila ng impact ng El Niño sa produksiyon ng bigas at mais, ang kani-kanilang target na produksiyon ay kaya pa rin makuha— 20 million MT para sa bigas at 8.64 million MT para sa mais.
Sinabi niya na ang DA ay nakapagbigay na ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño, sa pagre-release ng PHP360 million sa insurance payments at emergency loans.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Piñol na ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ay nakapaglaan na ng PHP95.875 million sa financial assistance sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance (SURE) program para makinabang ang 3,835 apektadong magsasaka.
Dagdag dito, nagbayad din ang Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ng PHP264.515 million sa 24,119 magsasaka.
Nagsagawa na rin ng cloud seeding operations para makapagbigay ng artipisyal na ulan sa mga magsasaka na nangangailangan ng ulan para sa kanilang tanim. Nagsagawa ang Region 2 (Cagayan Valley) ng 17 sorties, na nagdulot ng pagtaas ng tubig sa Magat Dam.
Samantala, nagsagawa ang Regions 11 (Davao Region) at 12 (Soccsksargen) ng limang sorties sa agricultural at watershed areas sa Davao del Sur at North Cotabato.
Naiposisyon na rin ang seed reserves para sa bigas, mais, at high-value crops para maibigay sa mga magsasaka na plano na muling magtanim ngayong darating na tag-ulan.
“As far as the impact of El Niño on agri production is concerned, it is just minimal. We can cope with it. I’m positive we can meet production target for the year,” sabi ni Piñol. PNA
Comments are closed.