LUIS EDUARDO AUTE: CANCIONES DE AMOR Y VIDA

(Pagpapatuloy…)
Si Julius Sinoy, isang Tenor mula sa University of the Philippines Concert Chorus (UPCC) simula noong taong 2013 hanggang 2016, ay umawit naman ng kantang Dos o tres segundos de ternura ni Aute. Si James Barbecho, isang seryosong musikero, ay nag-ambag ng kanyang bersyon ng Siento que te estoy perdiendo, isang awiting pinasikat ni Aute noong 1981. Si Shiela Ferrer, na isang Filipino soprano na nagtanghal bilang soloists sa iba’t-ibang produksyon dito sa bansa at sa labas ng Pilipinas, ay umawit ng Slowly, isang sikat na awitin na paborito ng marami. At si Ella Castro, na nagtapos ng BM-Music Education mula sa University of the Philippines-Diliman, isa ring kompositor, mang-aawit, konduktor, at artista na kasalukuyang kumukuha ng kanyang Masters sa Music sa Northwestern State University sa Louisiana, ay umawit ng Sin tu latido, isa sa mga pinakasikat na awitin ni Aute. Kabilang din sa video concert ang Espanyol na mang-aawit na si Rosa Leon na kumanta naman ng Mirandonos los dos, isang awiting inilabas ni Aute noong taong 1980.

Tampok sa konsiyerto hindi lamang ang mga awiting nabanggit sa itaas kundi pati na rin ang ilang piling bahagi ng isang interbyu kay Aute mismo noong siya ay nabubuhay pa. Ikinuwento niya rito ang kanyang karanasan sa Pilipinas noong siya ay bata pa. Nagsalita rin siya ng ilang pangungusap sa Tagalog at binanggit na nalilimutan na niya ang ibang salita dahil wala umano siyang kausap ng Tagalog sa kanyang kinaroroonan. Para sa isang sikat na personalidad na kilala sa buong Europa, mapagkumbaba ang awra ni Aute. Ang konsiyertong nabanggit ay mapapanood kapagdaka sa mga espasyo ng Instituto Cervantes de Manila sa social media.

Aking inaanyayahan ang lahat upang pakinggan ang musika at awitin ni Luis Eduardo Aute. Matatagpuan ito sa YouTube, Spotify at sa marami pang ibang espasyo sa internet. Hindi nakakagulat kung inyong maiibigan ang kanyang mga awitin kahit hindi nakauunawa ng salitang Espanyol.