LUMABAG SA POLITICAL DYNASTY SISIBAKIN

Comelec Commissioner Luie Guia

KAHIT na maiproklama pa ay tatanggalin sa puwesto ng Commission on Elections (Comelec) ang sinumang kandidatong nanalo sa Sangguniang Kabataan Elections, na mapapatunayang lumabag sa anti-political dynasty provision ng SK Reform Act.

Ayon kay Comelec Commissioner Luie Guia, marami na silang natanggap na report na may ilang SK candidates ang lumabag sa naturang probisyon ng SK law at tiniyak na masusi nilang iimbestigahan ito.

Hinikayat pa niya ang mga botante na ireklamo kaagad sa kanilang tanggapan kung may nalalaman silang anumang paglabag sa election laws.

“Ang dami po na­ming tinitingnan na ganitong sitwasyon na naka-file na po sa Law Department at puwede nang i-file sa Commission en banc o mga division ng Comelec para aksyunan ito,” ani Guia.

“Umaasa lang po kami na ipaalam sa amin para mayroon po kaming basehan. Malaki po ang a­ming pag-asa na kung may nakakaalam, sila po ang dudulog sa amin at magko-complain na ineligible ito,” aniya pa.

Maaaring maghain ng quo warranto petition ang Comelec sa kinauukulang lokal na hukuman laban sa kandidato o naproklamang nanalong kandidato na mapapatunayan nilang lumabag sa SK law.

Paliwanag niya, sa ilalim ng quo warranto petition, ay maaaring mapatalsik ang nakaupong kandidato, na hindi naman kuwalipikado sa puwesto.

Maaari aniyang ihain ang naturang petisyon, 10 araw matapos ang proklamasyon ng kandidato, upang kuwestiyunin ang eligibility nito sa posisyon.

Alinsunod sa anti-dynasty provision ng SK law, ang isang kandidato ay hindi dapat related hanggang second civil degree of consanguinity o affinity sa isang incumbent elected national official o incumbent elected regional, provincial, city, municipal, o barangay official, sa lokalidad, kung saan siya tatakbo sa posisyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

 

Comments are closed.